PAG-UULAT TUNGKOL
KAY JESU-KRISTO NG SANTO SEPULKRO,
“LOLO UWENG,”
NG LANDAYAN, SAN PEDRO, LAGUNA
Para sa Aralin sa
Unveiling the Image of Christ in the Filipino Context
Rev. Fr. Stephen Gonzales, OSJ
Propesor
Inihanda nina::
Virgel Donzal
Ian Christopher Andal
Leexter Saludes
Ritchie Fortus
Pebrero 9, 2011
I. PAMBUNGAD AT KALALAGAYAN
Tayong mga Pilipino ay may mahabang kasaysayan ng mga karanasang panrelihiyon na lubhang matindi at makulay: mula sa mga panahong bago dumating sa atin ang Kristiyanismo, sa daan-daang taong pagpapalaganap ng ebanghelyo sa ating bansa. Ang pagkaunawa natin sa Kristiyanismo ay nakulayan ng ating mga pansarili at pambansang karanasan ng pagdurusa at pakikibaka, ng tagumpay at pagdiriwang. Kahit papaano, ang lahat ng mga karanasang ito ay nagbigay linaw at katiyakan sa ating natatanging pagkakakilanlan bilang mga tao, bilang mga Kristiyano, bilang mga Pilipino, bilang isang bansa. (Cf. KPK, 31)
Sinasabi sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko, na tayo raw ay magiliwin sa kundiman. Ang kundiman ay isang malungkot na awiting Pilipino tungkol sa mga sawing pag-ibig. Likas sa mga Pilipino ang maakit sa mga bayaning handang mag-alay ng buhay sa ngalan ng pag-ibig. Labis tayong matiisin at mapagpatawad. Ang pagtanggap na ito sa pagdurusa ay nagpapakilala sa isang malalim, positibo at espirituwal na pagpapahalaga sa kaloobang Pilipino. (Cf. KPK, 39)
Si Jesus, ang Nagdurusang Lingkod sa aklat ni propeta Isaias ay naisasalarawan sa isa sa mga paboritong imahen gaya ng Santo Entierro o si Jesus ng Santo Sepulkro. Sa larawang ito ay nakikita natin si Jesus bilang isa sa “pinakamaliit nating kapatid”: ang nagugutom at nauuhaw, ang walang damit, ang may sakit, ang malungkuting dayuhan at ang bilanggo. (Cf. Mt. 25:31-46). Kung gayon, kay Hesus, ang Nagdurusang Lingkod, ay nakikita nating mga Pilipino ang isang nagpapagaling at nagpapatawad na Tagapagligtas na nakakaunawa sa ating mga kahinaan, mga kabiguan natin, pangamba, kalungkutan at panghihina ng loob. Sapagkat ang lahat ng ito ay dinanas mismo ni Jesus. Sa ating mga Pilipino na nagagawang ipagdiwang maging ang mga pagdurusa at kahirapan ng buhay sa pamamagitan ng awit ay tumatawag si Jesu-Kristo: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin at kayo’y papagpapahingahin ko.” (Cf. Mt. 11:28)
Sa kalalagayan sa probinsya ng Laguna, makikita natin ang Nagdurusang Lingkod sa imahen ni “Lolo Uweng” ng Landayan. Dahil nga sa maraming nakapalibot at malalapit na mga bayan (na nagsisilbing pinagmumulan ng kabuhayan tulad ng Laguna Techno Park sa boundary ng Biñan-Sta. Rosa, mga Light Industries sa Cavite at Laguna) at syudad, ang mga deboto ng “Lolo Uweng” ay dinarayo ng mga ordinaryong ding manggagawa. Dito mapapansin ang pakiki-isa ni “Lolo Uweng” sa mga abang manggagawa na karamihan ay kontraktuwal na humihiling na magkaroon ng matatag, permanente at maayos na trabaho. Hindi lamang mga ordinaryong manggagawa ang makikita sa Dambana ni “Lolo Uweng,” makikita rin ang ilang mga mag-aaral, guro, businessmen & businesswomen, pulitiko at kung sinu-sino pa na naniniwala sa kapangyarihang makapagpapaginhawa sa kanilang puso, isipan, kalusugan at pati na rin ang bulsa.
II. PINAGMULAN NI “LOLO UWENG”[1]
A. Opisyal na Salin
Sa mahabang panahon, maraming di umano’y “totoong” kasaysayan ng pinanggalingan ni Lolo Uweng ang nagpasalin-salin sa mga deboto. Siya raw ay isang tunay na tao na misteryosong naging imaheng kahoy. Siya raw ay isang troso na nag-anyong tao na nakahiga. Dahil ang ganitong mga kwento ay lubhang labag sa batas ng kalikasan at sa mga prinsipyo ng agham, at nababalot ng kababalaghan at pamahaiin, mas maraming katanungan kaysa sa kasagutan ang umugat sa mga katutubong alamat na ito. Hindi naging lubos na katanggap-tanggap ang alinaman sa mga ito.
Noong 2003 ay nagalathala ang pamunuan ng Parokya ng Sto. Sepulcro ng kauna-unahang opisyal na kasaysayan ng pinagmulan ng imahen ni Lolo Uweng. Nakapaloob ito sa dokumentong The Parish Profile na sadyang inihanda nang ipanukala na gawing isang Dambana ang Parokya. Ang opiyal na salin na ito ay tinuring na isang pagpapalagay (presumption) lamang dahil sa kawalan ng pinagbatayang dokumento. Ayon dito, ang imahen ay maaaring isang eskultura (sculpture) na inukit ng isang bihasang eskultor mula sa mga bayan na nakapalibot sa lawa ng Laguna (tulad ng Angono, Rizal at Paete, Laguna) na pawang tanyag sa kanilang magagaling na alagad ng sining. Ang imahen ay maaaring kusang ipinalaot ng umukit o nagmamay-ari nito o kaya’y di sinasadyang napalaot sa Lawa ng Laguna matapos marahil ang isang malakas na bagyo na nagdulot ng pagbaha. Napadpad ito sa dalampasigan ng Landayan kung saan ito ay natagpuan ng mga namamalakaya. Itinuring ng mga nakatuklas sa imahen na milagroso ito kaya’t ginawan ito ng isang kamarin na tinatawag na bisita.
Ang buod ng salin na ito ay nakalimbag sa isang bronze marker sa may pintuan ng simbahan ng parokya na ngayon ay kilala bilang Shrine of Jesus in the Holy Sepulchre:
“….an image of the dead Jesus was found in the lakeshore of Landayan, San Pedro, Laguna. Since it was believed that the image is miraculous, the people of Landayan kept it and encased it in a camarin which was placed inside the visita for veneration. The event gave way to the devotion of Jesus in the Holy Sepulchre accompanied by stories regarding the miraculous icon as testified by both the local parishioners and the devotees from nearby provinces.”
B. Tumutugmang Patotoo
Mahalaga na na sabihin sa bahaging ito na ang opisyal na salin ay binuo noong 2003, ngunit para bagang pinagtagpo ng pagkakataon sapagkat ito ay tumutugma sa mga kwento hinggil sa maaaring tunay na pinagmulan ng imahen.
Ang mga kwento ay mula sa tatlo sa iilan na lamang na nakatatanda sa Landayan ayon sa pagsasaliksik at pagtatanong ni G. Sonny Ordoña noong 2008. Ito ay sina Benita M. Omalin (Ti Bining), 88, Ledisa Seradilla (Ti Ledy), 83, at Julia Berroya (Ti Juling), 82.
Sa magkakahiwalay na pakikipanayam sa tatlo, nagkakatugma ang kanilang mga kwento na ang imahen ay natagpuan sa pampampang ng dagat (lawa) na malapit sa kasalukuyang kinaroroonan ng Balon ng Mahal na Señor.
Sinabi ni Ti Ledy: “Maliwanag pa sa akin ang kwento ng aking Lelang Crisanta na ang imahen ay natagpuan sa pampang na tanaw na mula sa bisita. Noon ay bahagi pa iyon ng dagat at doon sa pampang na iyon iniahon ang isang imahen.”
Sinalaysay naman nina Ti Bening at Ti Juling na noong sila ay bata pa, ikinuwento ng kanilang mga magulang na ang imahen ay “natuklasan sa may ilog”. Ang ilog na tinutukot ng dalawa ay siya ring pangpang na dating pampang ng dagat na malapit sa balon.
Tumutugma dito ang sinabi nina Moises Berroya (Ti Eseng), 79 at Carlito Vierneza (Ti Carling), 75, mga mandaragat mula pa sa kanilang pagkabata, na ang dagat ay umaabot sa lugar ng balon noong unang panahon. Tinutukoy din ng dalawa na ang lugar na iyon ang gantungan ng mga bangka kung saan nila iniaahon ang mga huling isda.
Sa ngayon, ang dating pampang na kinatangpuan ng imahen ni Lolo Uweng ay mayroong kalsada na napagigitnaan ng Balon ng Mahal na Señor sa gawing kanluran at Ilog Landayan naman sa gawing silangan. Sinasabi ng mga matatandang mandaragat na umurong ang dagat sa paglipas ng panahon at lumabas ang ilog sa bahaging iyon.
Bagama’t di tiyakang sinasabi nina Ti Bening at Ti Juling kung ang natagpuan ay isang imaheng kahoy, mawawari sa kanilang mga salaysay na hindi katawan ng tunay na tao o isang torso ang iniahon sa pampang.
Kung ang natagpuan ay isang tunay na tao, at ito ay may buhay pa, disin sana ay dinala ito sa isang pinakamalapit na pagamutan upang bigyan ng karampatang lunas. Kung patay naman, napabalita sana ito bilang isang kagimbalgimbal na pangyayari noong mga panahong iyon, at naging paksa sana ito ng malawakang imbestigasyon ng mga maykapangyarihan. Wala ring napabalitang bangkay na dinala sa morge ng isang ospital o punerarya kasunod ng mga ganitong pangyayari.
Kung ang natuklasan naman ay isang troso lamang, hindi sana ito magiging kapansin-pansin sa mga tao. Pangkaraniwan noon na may mga putol na katawan ng puno na napapadpad sa Landayan. At hindi makatotohanan na ang natangpuang troso ay biglang naghugis tao na parang isang mahiko.
Kaya naman higit na kapani-paniwala ang salin na nagsasabi na ang natagpuan sa pampang nang araw na iyon ay imahen na may hugis Poon - isang Hesukristo na nakahiga. Ang imahen ni Lolo Uweng ay gawa sa isang uri ng kahoy na hindi nabubulok. Ni minsan ay hindi pa ito ipinasasailalim sa pisikal na pagsusuri ng mga eksperto sa eskultura o sa kahoy bilang paggalang sa kasagraduhan nito.
K. Imahen sa Bisita Noong Panahon ng Kastila at Amerikano
Walang dokumento o personal na patotoo ang nagsasabi ng titak na taon ng pagkakatuklas sa imahen. Ngunit nagkakaisa ang lahat ng matatatandang kinapanayam na maaaring may Mahal na Señor na sa Landayan mula pa noong panahon ng mga Kastila na kapagdaka’y sinundan ng panahon ng mga Amerikano.
Sinabi ni Ti Carling na maraming ikinuwento ang kanyang Lelong Patricio Vierneza at ang ama nito tungkol sa mga pangyayari noong panahon ng Kastila na may kaugnayan kay Lolo Uweng. “Ang ama ni Lelong Tisyo ay kaidarin ni Dr. Jose Rizal”. Si Rizal ay ipinanganak noong June 19, 1861 at namatay noong Disyembre 30, 1896.
Si Ti Carling ay ipinanganak noong 1935. Kung iaatras ang panahon ng dalawa o tatlong henerasyon tumatapat sa ika-19 na siglo ang mag sinasabing pangyayari. Ang panahon ng Kastila ay 1565 hanggang 1898.
Pinatotohanan ni Ti Eseng na ang imahen ay nasa bisita na noong panahon ng mga Amerikano. Grade 1 siya sa San Pedro Central School sa bayan noong 1936 at sila ng kanyang ama ay dumaraan sa bisita tuwing patungo o pauwi mula sa paaralan na naglalakad. “Ang Mahal na Señor ay ipinuprusisyon tuwing kapistahan ng Poon at Mahal na araw mula sa Landayan patungong San Roque at sa bayan. Sa highway idinaraan ang prosisyon pabalik sa Landayan. Noon ay madalang ang mga sasakyan doon at pinapatay ng malakas na hangin ang aming mga kandila.”
Ang pagkakaroon ng imahen sa bisita noong panahong iyon ay pinatunayan din ni Severina Vierneza (Ti Binang), 78. “Ang bisita ay lugar ng pasyalan at laruan naming mga bata noon. May imahen na sa bisita noong kami’y naliligo sa tubig-ulan na tumutulo mula sa bubong ng bisita.”
D. Alamat ng Pangalan
Ayon pa rin sa mga kwento ng mga anakatatanda, may mga dayo mula sa malalayong lugar na di umano’y “pinagpakitaan” ng isang matandang lalaki na nagpakilala sa pangalang Emmanuel Salvador del Mundo. Inanyayahan daw sila ng matanda na dalawin siya sa kanyang tahanan na malapit sa malaking puno ng akasya sa Landayan. Marami sa kanila ang nagpaunlak sa anyaya ng matanda. Pagdating sa Landayan ay saka lamang nila natuklasan na ang tahanan na binabanggit ng matantda ay ang simbahan na may naglalakihang puno ng akasya sa tapat nito. At ang matanda na nag-anyaya sa kanila ay kamukha ni Lolo Uweng.
Anim na malalaking puno ng akasya ang nakatayo noon sa plasa ng Landyan. Isa rito ay ang malapit sa Balon ng Mahal na Señor na pinutol upang palawakin ang lugar ng balon. Ang tatlo dito ay nasa gawing gitna ng plasa at kinailangang putulin din upang bigyang-daan ang pagpapagawa ng konkretong entablado, basketball court at mga gusali ng Pamahalaang Barangay at Day Care. Ang natitirang dalawang higanteng akasya, na tinatayang daantaon na ang gulang, ay nasa harapan ng simbahan at ang mga ito ay tumatayong buhay ngunit tahimik na saksi sa lahat ng pangyayari na may kaugnayan kay Lolo Uweng. Kung makapagsasalita lamang daw ang mga punong ito, marahil ay mahahayag ang maraming katotohanan kaugnay sa Poon.
Sinasabi din ni Ti Ledy na ang buong pangalang Emmanuel Salvador del Mundo ay nakaukit sa kaunaunahang kamarin na yari sa kahoy at salamin na ginawa ng mga matatanda matapos matagpuan ang imahen sa pampang. Ang simpleng kamarin na ito ay nakapatong sa isang kongkretong plataporma sa gitna ng altar ng bisita. Makikita ang imahen mula sa loob ng bisita at mararating ito sa pamamagitan ng isang hagdanan na may apat na baytang paakyat at pababa sa bukasan ng kamarin sa likod ng altar. Dito dumaraan ang mga humahalik o humahawak sa imhen.
Lelong Uweng ang orihinal na magiliw na palayaw sa imahen. Lelong kung tawagin ang mga matatandang lalaki noon sa maraming dako ng Katagalugan. Uweng naman ang ipinapalayaw sa Emmanuel. Ang Lelong ay pinalitan ng Lolo upang umakma sa karaniwang katawagan ngayon.
E. Poong Gumagala
Si Lolo Uweng ay binansagan din na “Poong Gumagala” dahil sa kwento ng kanyang “paglalakbay” sa malalayong lugar.
Ayon sa mga nakaranas na magpalit ng damit ng imahen kapag Miyerkules Santo, may nakukuha sila noon na amorseko sa damit ng imahen. Ang amorseko ay bulaklak ng damo na madaling kumapiut sa anumang uri ng kasuotan. Ito raw ay indikasyon na si Lolo Uweng ay naglalakbay kahit na sa masukal na lugar upang manghikayat ng deboto.
Sinabi ni Ti Carling, isa sa mga beteranong nagbibihis ng Poon, “humigit kumulang limampong piraso ng amorseko ang nakukuha namin sa damit ng imahen, at nawala lamang ang ganitong pangitain nang banding 1975.” Ito ay tumutugma sa pahayag ng mga naunang mga tagapagbihis ng Poon.
G. Ang Matanda sa Pampang ng Calamba
Isinalaysay ni Mayor Fely Vierneza ang isang pangyayari noong Huwebes Santo ng 1935, na kung saan siya ay may personal na pakikibahagi. Ayon sa kanya, isang mangingisda na taga-Calamba ang nagdala ng dalawang banyerang isda sa kanila noong araw na iyon:
“Kami ang may pabasa ng pasyon kinabukasan ng Biyernes Santo noon. Pilit na pinakikiusapan ni Nanay (Ti Ensyang) ng mga nangangasiwa nito na ipaubaya na sa iba ang pabasa sa Beyernes Santo dahil wala daw kaming pagkukunan ng ipapakain sa mga magbabasa.”
“Nakaupo kami ng aking mga kababata sa tabi ng puno ng akasya sa plasa nang dumating ang mangingisda, sakay ng isang karitela. Lumapit siya sa amin at nagtanong kung sino at saan nakatira ang may pabasa sa Biyernes Santo. Si Enchong Ortega, na syang napagtanungan niya, ang nagsabi sa kanya na ang pamilya namin ang kanyang hinahanap. Ginabayan ko ang mangingisda patungo sa bahay namin na malapit sa bisita. Ibinaba niya mula sa karitela ang dalawang banyerang dalag at karpa at ikinuwento ang mga pangyayari na nagdala sa kanya sa Landayan.”
Isinalaysay ng mangingisda na noong umaga ng araw na iyon, pinandaw niya ang kanyang tatlong baklad ngunit wala siyang nahuling isda. Nang umahon na siya sa dagat, isang matanda ang nasumpungan niya sa pampang. Pinahuyan siya nito na pandawin ang natitira pang baklad at marimi siyang mahuhuli. Nagtataka man ay ginawa niya ang sinabi ng matanda. Napuno nga ng isda ang kanyang bangka.
Humiling daw ng bahagi ng huli ang matanda at ipinapadala ito sa kanyang tahanan sa Landayan sa harap ng plasa ng nayon. Ipapakain daw iyon sa mga babasa ng pasyon kinabukasan ng Biyernes Santo. Sinabi rin daw ng matanda na ang bahay niya ay yari sa kawayan at yero. Gulat na gulat daw siya sapagkat ang tinukoy ng matanda na tahanan niya ay ang bisita, at ang mismong matanda na kumausap sa kanya ay kamuha ni Lolo Uweng.
Kinabukasan ng Biyernes Santo, napakaraming tao ang dumating sa bisita upang bumasa. “Lahat sila ay nakakain dahil sa dalawang banyerang isda na dinala ng mangingisda,” ani Mayor Fely.
H. Kampana ng Santo Sepulcro: Año 1836
Isang lumang kampana, na ngayon ay nasa pag-iingat ng parokya, ang tumatayong pisikal na ebidensiya na nagpapatunay na si Lolo Uweng ay nasa Landayan na noong panahon ng Kastila.
Ang kampana ay sumailalim na sa isang pagsusuri ni Joseph Garcia, isang museologist na naglilingkod sa Pambansang Museo ng Pilipinas sa Maynila. Sinabi niya sa kanyang ulat noong Hulyo 18, 2008:
“Ang kampana ay dumating sa Landayan, San Pedro, Laguna noong 1836. ito ay yari sa tanso at merong bigat na humigit kumulang 41 kilo. May taas na 49 sentimetro mula sa pakurbadang tangkay hanggang sa pabukang labi. May lapad na 20 sentimetro sa pinaka taas at 40 msentimetro sa pnakaibaba. Sa loob nito ay may kalawanging bilog na dila. May 22 sentimetrong bahagyang biyak simula sa balikat hanggang sa pinakaibaba, ang dahilan kung bakit itinigil na gamitin ang kampana. Ang katawan nito ay napaliligiran ng diretsong guhit na pabilog sa balikat, sa gawing gitna at ibaba. Sa pinakagitna nito ay may idinikit na krus na yari din sa tanso. Sa ibaba ng krus ay may nakasulat na mga salitang Español: A Đ VOC. Đ. G. M. EST A PERTEN. AL SEPVLCRO DEL SITIO Đ LANDAIAN. Sa wikang Filipino, ang mga salitang ito ay nagsasabi na ang kampana ay para sa kapilya ng Sepulcro sa Sitio ng Landayan at dinala ito noong 1836.”
Dinagdag pa ni Joseph sa isang panayam na ang mga letra at numero ay ginamitan ng tanso na kauri ng tanso ng kampana, at ang mga ito ay idinikit sa katawan ng kampana. Ang istilo nito ay Romano, kahalintulad ng mga numero at letra na idinikit din sa lumang kampana ng Simbahan ng San Agustin sa Maynila na may petsang 1929, pitong taon bago ginawa nag kampana ng Sto. Sepulcro.
Sa konklusyon ni Joseph, ang kampana ng Sto. Sepulcro ay antigo at awtentiko. Nangangahulugan na ito ay 172 taon na noong 2008 at magiging 175 na ngayong 2011. Ang mga mahalagang tuklas na ito ay nagpapatunay sa mga sumusunod na katotohanang pangkasaysayan:
Una, ang kampana ay dinala sa nayon noong 1836. Kung gayon, 175 taon na ang Kampana ng Sto. Sepulcro ngayong 2011.
Ikalawa, ang kampana ay sadyang inilaan para kay Lolo Uweng, ang imahen sa Sitio de Landaian noong 1836. Kung gayon, si Lolo Uweng ay maaaring 175 taon na o mahigit pa ngayong taon. Tumutugma ito sa mga kwento tungkol sa pagkakaroon ng Poon sa Ladayan noong panahon ng Kastila.
Ikatlo, may bisita na noon sa Landayan, at ito ay may kampanaryo na kung saan inilagay ang kampana. Ang bisita ay nasa ilalim ng pamamahala ng Parokya ng San Pedro Apostol sa bayan. Ayon sa dokumentong Parish Pastoral Plan 2002-2006 ng nasabing Parokya, ito ay itinatag noong 1763 at pinamahalaan ng unang Kura Paroko nito na si Padre Manuel Eduardo. Noong 1836, ang taon ng pagdating ng kampana sa Ladayan, ang Kura Paroko sa bayan ay si Padre Genaro Jose Pinpin na naglingkod mula 1804 hanggang 1838.
Ikaapat, ang orihinal na pangalan ng Ladayan ay Landaian at ito ay maaring isang purok o sitio ng San Pedro Tunasan, ang dating tawag sa bayan ng San Pedro. Ang Landaian ay baybay Español, isang wika na ginagamit sa pagdiriwang ng Banal na Misa noong panahon ng Kastila.
Ikalima, dahil sa ang kampana ay may edad na 175 taon na at ang Imahen ay maaring mahigit pang 175 taon, ang mga ito ay maituturing na Pambansang Yaman at bahagi ng Pambansang Pamana ng Pilipinas at ng Simbahang Katoliko. Nararapat na ang mga ito ay pangalagaan at pagtuunan ng nauukol na pagpapahalaga.
III. DOKTRINA NG DEBOSYON
Lahat ng kasulata’y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid ng maling gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay
2 Timoteo 3:16
Ang Debosyon kay Lolo Uweng ay nabibilang sa kinagawiang pagpapabanal ng mga ordinaryong Katolikong mananampalataya. Hindi ito mababaw na anyo ng pagsamba sapagkat kinakikitaan ito ng malalim na pagka-uhaw sa Diyos at patuloy na pag-unlad ng buhay Katoliko ng mga deboto.
A. Nakasentro kay Kristo
Ang debosyon ay umaayon sa tagubilin ng Ikalawang Plenaryo ng Pilipinas (PCP II) na dapat tiyakin na ang mga kinagawiang pagpapabanal ay nananatiling nakasentro kay Kristo.
Ang Imahen ng yumaong Kristo o Santo Entierro ang pokus ng pisikal at espirituwal na pamimintuho. Kapag minamasdan ito ng mga deboto, nabubuhay sa kanilang kamalyan ang ginawang pagliligtas ni Hesukristo. Nanariwa sa kanilang kaisipan ang Kristong pinahirapan at pinatay; ang Kristong dahil sa pagmamahal ay umako sa dapat na kaparusahang tao.
Kapagdaka’y mapupuno ang kanilang imahinasyon ng mga larawan ng Diyos na muling nabuhay. Siya si Hesus, ang Diyos na buhay! Si Lolo Uweng ay nagiging larawan ng Kristong nakahiga, nakapikit, ngunit may buhay. Madarama nila ang presensiya ni Hesus. Sasagi sa kanilang isipan ang doktrinang Katoliko na ang Diyos ay may palagiang presensya (omnipresent), lubos na maalam (omniscient) at lubos na makapangyarihan (omnipotent).
Ang imahen at larawan ng namatay na Hesus ay sadyang namang madaling kumurot sa puso at umantig sa damdamin ng mga deboto. Kita’t ramdam nila na si Hesus ay kaisa nila sa kanilang sariling karalitaan, kahirapan at kaapihan. At dahil siya ang tagapagligtas, siya ang tinitingnan nila na magliligtas sa kanila sa mga pagdurusa at maabibigay sa kanila ng bagong buhay at pag-asa.
Maalab ang debosyon kay Lolo Uweng kaya’t ang Dambana ar nagsagawa ng patuloy na programa para sa tamang pananaw, kabatiran at pagganap sa debosyon. Ito ay upang maiwasan na ang debosyon ay humantong sa panatisismo o kaya’y pagpapalabis sa katotohanan o maging sa pamahiin.
Ito’y pagtalima sa atas ng PCP II na “dapat tayong magkaroon ng katapangang iwasto ang anumang nagdadala sa panatisismo o nagpapanatili sa pagiging mumos sa kanilang pananampalataya (PCP II, 175).
Hindi nga ba’t na ng napakaraming Born Again Christian ang umamin sa dati silang mga Katoliko ngunit kailanman ay hindi nauwaan kung ano ang kanilang mga ginagawa (KPK, 1472). At hindi naman nag-atubili ang PCP II sa pag-amin na nabigo ang Simbahan sa maraming pagkakataon sa pagtugon sapang-espirituwal na kagutuman ng marami sa mga sumasampalataya at nag-atas na ito’y kailangang iwasto (PCP II, 223).
Madalas pinaaalalahanan ni Msgr. Jose Barrion, rector ng Dambana, ang mga deboto: “Kung kayo ay paparito sa Dambana, mahalaga na makilahok kayo sa Banal na Misa at hindi lamang pumipila at humahawak kay Lolo Uweng o kaya’y nagdarasal lamang ng nobena at rosaryo. Hindi rin lubos at makabuluhan ang debosyon kung kayo ay hindi pa tumatanggap ng sakramento ng Binyag, kumpil, hindi pa nangungumpisal sa pari, o nagsasama bilang mag-asawa nang hindi pa kasal tumatanggap ng sakramento ng kasal.”
Kaya’t para sa mga deboto ni Lolo Uweng, ang debosyon ay hindi itinuturing na katapusan o kasukdulan ngpagpapahayag ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Bagkus, humahantong ito sa liturhiya sapagkat dinadala sila ng kanilang debosyon sa mga pampublikong pagsamba ng simbahang Katoliko, lalo na ang Eukaristiya.
Lubos din ang kanilang paniniwala at pakikibahagi sa mga sakramento ng binyag, kumpil, kumpisal, pagpapari, kasal at pagbabasbas ng maysakit. Dahil ditto, nabibigyang katuparan ng mga deboto ang kanilang pagiging bahagi ng Katawang Mistiko ni Kristo.
B. Lukso ng Pananampalataya
Taglay ng isang deboto ang lukso ng pananampalataya (Leap of Faith) na kailangan upang siya ay maniwala na sa pamamagitan ng simpleng paghawak sa kamay o damit ni Lolo Uweng, mararamdaman niya ang presensiya at kapangyarihan ng Diyos. Sa mga sandaling ring iyon ay lumalakas ang kanyang pananalig na makakamtan niya ang kagalingan at katiwasayang pisikal at espirituwal na kayang inaasam.
Sa pangyayari sa Lucas 8:42, hindi sinabi ni Hesus sa babae: “Ang pananalig mo ay sa aking damit at hindi sa akin!” Maging ang mga apostoles ay hindi kinondena ang ginawa ng babae na basta na lamang kumuha ng kapangyarihan ni Hesus nang hindi nagpapaalam. Bagkus, sinabi ni Hesus sa babae: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin.” Ang pananalig ang nag-udyok sa babae upang gawin iyon at iyon din naman ang naging daan ng kanyang paggaling.
Gayundin naman ang maraming deboto ni Lolo Uweng – ang pananalig nila ay sa Poong Hesukristo na namatay at muling nabuhay at nagtataglay ng maawain at mapagmahal na puso.
Inaaalintana ban g Diyos kung ang isang mananampalataya na humihiling ng kagalingan o ng biyayaay isang makasalanan? Sa lahat ng mga lumalapit kay Hesus upang humingi nga kagalingan, hindi Niya ito tinatanong kung sila ay makasalanan o hindi. At kung makasalanan man sila, hindi ba sila maaring kaawaan ng Diyos? Di ba’t si Hesus ang may sabi, “Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal” (Mt. 9:13). Kaya nga sa Banal na Misa, mahalaga para sa mga tatanggap ng Banal na Eukaristiya ang maikling panalanging ito: “Panginoon hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa Iyo, ngunit sa isang salita Mo lamang ay gagaling na ako.” Ito ang mga salita na nagbibigay sa isang makasalanan ng damdamin sa siya’y karapat-dapat kay Hesus at kasabay nito ay ipinagkakaloob sa kanya ang kagalingan ng kaluluwa.
K. Hindi Idoltriya
Taglay ng mag deboto ang paninindigan na ang debosyon kay Lolo Uweng ay hindi idoltriya. Ang paninidigang ito ay batay sa Katolikong paglilinaw na ang mga rebulto at larawan ni Hesus, Maria at mga santo ay mga pangtulong sa kristiyanong pananalangin at pagsamba sa Diyos at sa pamamagitan kay Maria at sa mga banal. “Walang kapangyarihan ang mga rebulto at larawan, ngunit tinutulungan lamang nito ang pakipag-ugnayan kay Kristo” (KPK, 929).
Ang mga rebulto at larawan ay maituturing na mga tanda at sagisag na ginagamit upang maranasan at maipahayag, sa paraang pisikal, ang mga espirituwal na katotohanan sa buhay ng isang mananampalataya. Ang Panginoong Hesus ay gumamit din ng mga tanda at sagisag upang ipadama ang biyaya ng Diyos sa tao, kabilang ang pisikal na paghipo sa kamay, tinapay, at isda, alak at tubig. “Samakatuwid, isinasalig mismo ng Ebanghelyo ang paggamit ng mga larawan (kasama na ang mga rebullto) sa paglilingkog at pagsamba sa Diyos.
Ang debosyon kay Lolo Uweng ay hindi paglabag sa Unang Utos ng Diyos na nagbababwal sa pagkakaroon ng iba pang diyos liban sa Panginoon. Si Lolo Uweng ay hindi isang imahen na nagmula sa mga bagay sa kalawakan at mga hayop sa kalupaan at hindi siya itinuturing na diyus-diyosan na nag-aangkin ng sariling kapangyarihan o salamangka. Si Lolo Uweng ang anyo ni Hesus sa kanilang kamalayan, hindi hangin o liwanag lamang sa kalawakan o sa kawalan. Si Hesus ang nasasaisip nila kapag humihiling ng tlong o nagpapasalamat sa tinanggap na pagpapala. Tumatalima sila sa tagubilin ng Simbahang Katoliko na iwasan ang tuksona ang materyal na larawan ay unti-unting nagiging isang diyos o isang anito (KPK, 891).
D. Sakramental
Ang mga sakramental ay mga bagay, kilos, kinagawian, lugar, at iba pa, na tumutulong upang madama ang tuwinang presensiya ni Hesus. Higit na nagiging mabunga ang pagtanggap ng mga sakramento dahil sa mga sakramental.
Katulad ng mga sakramento, ang mga sakramental ay mga banal na tanda o simbolo na nagpapahiwatig ng ilang bungang espirituwal na naisasakatuparan sa pamamagitan ng pagkilos sa Simbahan. Naiiba ang mga ito sa pitong sakramento na itinatag ni Kristo. Ang mga sakramental ay itinatag ng Simbahan Katoliko bilang pantulong sa mga pang-araw-araw gawaing pagpapabanal. “Hindi nito tahasang binbago ang ating kaugnayan sa grasya kasama si Kristo kundi inaantig tayo upang kumilos ayon sa kabutihan at kabanalan na nagpapatuloy sa umaapaw na biyayang presensya ng Diyos sa ating sariling kalooban at sa gitna nating lahat” (KPK, 1532).
Mayaman sa sakramental ang debosyon kay Lolo Uweng. Ang simbahan na kanyang tahanan. Ang imahen na sentro ng debosyon. Ang pagluhod, pagyuko, at pag-antanda. Ang paghipo sa kanyang mga kamay at damit. Ang pagbabasbas sa mga bagay na may kaugnayan sa kanya. Ang pag-iingat ng langis, tubig, bulak at piraso ng kanyang damit. Ang pagnonobena, pagrorosaryo, at iba pang panalangin. Ang taunang pagdaraos ng kapistahan ng Patron at ang mga prusisyon apra kay Lolo Uweng.
Matatawag bang mga gawaing Kristiyano ang mga ito? May malianw na paliwanag hinggil dito: “Tayong mga Pilipno ay mapapaniwala sa espiritu. Kilala tayo sa ating pagiging bukas sa mga bagay na banal, ang makalangit na dimension ng buhay. Ang likas na pagiging bukas na ito ang nagbibigay sa atin ng isang matatag na sandigang pangkulturang buhay-panalangin ng mga Kristiyano. Malinaw ito sa ating likas na hilig sa mga panrelihiyong pagdiriwang.”
Karagdagan pa rito ay ang pagpapahalaga ng Pilipinong Katolisismo sa mga rituwal at seremonya. “ Ang mga pista, prusisyon, perigrinaron, nobena at di-mabilang na debosyong kinagawian – pansarili man o pampubliko – ang mga tanda ng konkretong panrelihiyong kinagawian ng nakarara ming Pilipinong Katoliko.” (NDCP, 319.)
[1] Saligan batay sa Odoña, Sonny A. Lolo Uweng ng Landayan sa Isip at Puso ng mga Deboto. Hiyas Press, Inc., 2008.
1 comment:
Sonny Ordoña po. Thank you for citing my work. Great honor and ptivilege. Although hindi ko alam na may ganito palang project ang mga seminarista. Sana nagkaharap kami. But it is never too late. Pls contact me at 09178111689.
Post a Comment