I. Marcos 4:26-29 (Ang Salita ng Diyos)
Ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo
26Sinabi ni Jesus: Ang paghahari ng Diyos ay katulad sa isang tao na nagtanim ng binhi sa lupa. 27Siya ay natutulog at bumabangon araw at gabi. Ang binhi ay sumisibol at lumalaki na hindi niya nalalaman kung papaano. 28Ito ay sapagkat ang lupa mismo ang nagpapabunga sa mga binhi, una muna ang usbong, saka uhay, pagkatapos ay mga hitik na butil sa uhay. 29Kapag hinog na ang bunga, kaagad na ipinagagapas niya ito sapagkat dumating na ang anihan.
II. Paliwanag (Exegesis)
Sa ating Ebanghelyo, ang binhi ay dumadaan sa mga pagbabago sa kanyang sarili. Ang binhi na pinatutungkulan dito, na kahit ito ay maliit, ito ay nagtataglay ng kadakilaan. Ang kaharian ng Diyos ay inihahalintulad sa binhi na sa simula ay kailangang ikalat muna upang ito ay tumubo. Ang binhi sa kanyang pagkakatanim siya ay lumalago sa kanyang sarili sa tulong ng Diyos na siyang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay nagpapakita na ang kaharian ng Diyos sa tamang panahon ay mag-aani ng mga bunga ng kanyang itinanim. At ang oras na ito ay tiyak na darating ngunit sa hindi inaasahang panahon at pagkakataon katulad ng pag-aani sa bukirin. Ito ay may dalawang pinatutungkulan: ang binhi at ang taong nagtanim ng binhi. Ang nagtanim pagkatapos niyang maipunla o maihasik ang binhi ang tanging magagawa lamang niya ay maghintay at gabayan ang sibol mula sa binhi na unti-unting tumutubo.
III. Kalalagayan
Sa ating kalalagayan, maraming klase ng bigas tulad ng C4, azucena, brown rice, malagkit, sinandomeng at marami pang iba. Subalit bago ito maging bigas ito muna ay nagmula sa uhay na nagmula sa butil. Bago ito mamunga ito muna ay tinanim. Bago ito itinanim, inihanda muna ang lupang pagtatamnan: inaararo, tinutubigan, sinusuyod. Pagkatanim, inaalagaan ito sa pamamagitan ng paglalagay ng abono, pagtatanggal ng mga damo, paglalagay ng pesticide. Kapag ito ay lumaki at nahinog na, ito ay aanihin na. Sa pag-aani, inihihiwalay ang palay sa dayami at sa ipa. Ang mga palay naman ay binabayo para maging bigas.
Kung ilalagay natin ito sa ating pananampalatayang Kristiyano, ang binhi ay ang Kaharian ng Diyos na siyang ikinakalat sa sangkalupaan. Kung paanong inihahanda ng magsasaka ang lupain gayundin naman ang Diyos kung kaya pinadala niya ang kanyang bugtong na anak upang ihasik ang kaharian ng Diyos sa atin. Sa ating pagkakarinig at pagtanggap ng kaharian ng Diyos, ito ay dapat umugat sa ating puso at isipan at dumaloy ito sa ating pagkatao at kaluluwa na siyang magtutulak sa atin na mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos.
Kung papaanong yumuko ang isang uhay dahil sa kanyang hitik na bunga gayundin naman tayo na tumatanggap ng mga biyaya galing sa Diyos ay inaasahan ring yumuko o magkaroon ng kababaang-loob. Mangyari, ang mga biyayang ito ay hindi naman galing sa ating sariling pagsusumikap bagkus ito ay nagmula sa Grasya ng Diyos.
Kung papaanong ang patubig sa bukirin ay mahalaga sa buhay ng mga tanim gayundin ang tubig ng binyag na siyang daluyan ng grasya na nagmumula sa Diyos. Dumadating din ang oras na kung saan ang pananim ay pinepeste, ito ay ginagamitan ng pestisidyo upang mapigilan ang tuluyang pagkasira ng pananim; gayundin naman tayong mga Kristiyano, sa kabila ng ating kahinaan bilang tao, ibinigay ang sakramento ng Kumpisal upang tayo ay malinis at muling maging buo ang relasyon natin sa Diyos at kapwa.
Kung papaanong ang liwanag ng araw ang siyang nagbibigay ng pagkain at lakas sa pananim, gayundin ang Eukaristiya na patuloy na nagbibigay buhay at lakas sa ating kaluluwa.
Ang bunga ay dadaan sa isang proseso upang maging kapaki-pakinabang na produkto tulad ng ubas na ginagawang alak at trigo na ginagawang tinapay na kung saan ang ubas at trigo ay kailangang durugin. Ang alak pagkatapos durugin o katasin, iniimbak ito sa madilim na lugar sa mahabang panahon. Pag dating ng tamang panahon, ito ay magdudulot ng tamang lasa, tamang kulay at tamang amoy bilang alak na naaayon din sa pagsusuri at pangangalaga ng taga-gawa nito. Samantalang, ang harina mula sa dinurog na trigo naman ay kailangang masahin, hulmahin at idarang sa apoy upang maluto at maging tinapay. Ang anumang sobra o pagkukulang sa mga prosesong ito ay magdudulot ng pagkahilaw, pagkasunog o pagkapaso ng produkto.
III. Pangwakas
Maaaring napapansin natin sa ating sarili o sa ibang tao ang mabagal na pag-usad ng “pagtubo” o “paglago” pagdating sa iba’t ibang aspeto ng buhay tao. Ito ay ang aspetong pampisikal, pang-sosyal, pang-espirituwal, pang-sikolohikal, pang-intelektuwal at iba pa. Dito, kinakailangan ang kahinahunan o ang tinatawag natin pasensiya. Sa ating paglago, higit sa lahat sa aspetong espirituwal, ang Diyos ay kumikilos sa kaibuturan ng ating puso o ang siyang nagsisilbing lupa para tanggapin ang mga biyaya mula sa Diyos. Ang kawalan ng ating pasensiya ay madalas nagmumula sa ating kayabangan o sa ating pagmamataas. Maaaring napapangunahan tayo ng pagtingin natin sa ating sarili bilang perpektong tao, samantalang hindi natin nakikita ang ating kaloob-loobang salamin. Kadalasan na nalilimutan natin na ang ating paglago, pisikal man o espirituwal, ay isang mahinahong proseso at higit sa lahat ay biyaya na mula sa Diyos – na Siyang may akda ng ating buhay. Kung paanong ang Diyos ay nagbibigay nang pasensya at laging matiyagang naghihintay sa ating paglago at pamumunga, ganun din naman, dapat ang ating tugon sa bawat panawagan nang Diyos na mamuhay nang naaayon sa kanyang kalooban: may pagtitiyaga at pasensya, upang tayo ay mamunga na hitik sa inaasahan sa atin.
No comments:
Post a Comment