(Nais ko munang ipaliwanag ang pamagat na may salitang "alagad" na may maliit na letrang "a" bilang si Padre Aveni, at ang "Alagad" na may malaking letrang "A" bilang si Santo Hannibal Maria Di Francia)
Minsan kong nakasama sa aking buhay ang Rogasyonistang paring nagngangalang Joseph Aveni. Sa unang tingin ay isang matanda na may kabagalan ang lakad gamit ang kanyang tungkod habang nagdarasal ng rosaryo sa palibot ng seminaryo ng Rogationist sa ParaƱaque. Walang oras na hindi ko nakitang hindi nagdasal ang matandang paring aking tinutukoy. Laging hawak ang rosaryo... laging nasa kapilya ng seminaryo... Dasal dito at dasal doon... Ang kanyang pagdarasal ay tulad ng pagkain ng almusal, merienda sa umaga, tanghalian, merienda sa hapon, hapunan at madalas may midnight snack pa. Ganoon ko napansin ang kanyang buhay espirituwal, tulad ng oras ng pagkain, maya't maya'y nagdarasal.
Kapag tinitingnan ko ang kanyang mukha, animo'y may kakaibang liwanag akong nababanaagan - liwanag ng kabanalan - na tila bang magnet na nang-aakit sa isang tao na nagpapa-alala na may "Diyos sa piling natin." Kapag kausap ko siya, tila ba ang kausap ko ay isang kerubing nangungulit sa pagsasabi ng "magdasal, magdasal at magdasal." Sa aming pag-uusap, napansin ko na tanging mahahalagang bagay lamang ang kanyang sinasabi. Wala akong natatandaan sa pag-uusap namin na pumapatungkol sa mga bagay na walang kabuluhan. Sa madaling salita, "mahahalaga" ang lagi naming pinag-uusapan. Mahahalaga sapagkat ang aming pinag-uusapan ay tungkol sa pamumuhay sa kabanalan. Naalala ko na kapag kami ay nag-uusap, lagi siyang magkukwento ng tungkol kay Santo Hannibal at sa napakalaking kontribusyon ng nasabing Santo sa Kongregasyon. Madalas din namin pag-usapan ang mga santo't mga banal. Madalas naming pag-usapan ang kahalagahan ni Inang Maria sa buhay ng isang seminarista. At ang hindi mawawala sa usapan ay ang usapang panalangin.
Isa sa mga katangian na talagang hinahangaan ko rin kay Padre Aveni ay ang kanyang matalas na memorya. Kung siya siguro ang magtuturo ng history, masasabi kong isa siya sa pinakamahusay na guro nito; sapagkat ang bawat yugto, pangalan ng tao, petsa at ilan pang mahahalagang detalye ay maliwanag, akma at eksakto niyang nasasabi sa akin. Sa tingin ko, ang kanyang sinsero at malalim na ugnayan sa Diyos, sa pamamagitan ng palagiang panalangin, ay ang siya niyang Memo Plus
Napansin ko rin ang kanyang disiplina sa lahat ng bagay: mula sa kanyang pagkilos at pagpili ng pagkain; kalinisan sa katawan; ayos ng kanyang kwarto; pagdarasal; pagsasalita; pagsusulat; pagngiti; pagtingin sa kapwa at lahat ng kanyang kilos at galaw - lahat ay ang kabanaagan ng kanyang kabanalan.
Masasabi ko na ang mapagpakumbabang "santo" na ito ay minsan ko ring naging guro sa Latin. Na sa kabila ng kanyang katandaan bilang guro, ay nandoon ang kanyang katiyagaan at kahinahunan sa aming mga seminarista para turuan ng declension sa nasabing aralin. Natatandaan ko ang una kongrecitation sa kanya sa Latin, tungkol ito sa 1st conjugation ng "love": "amo, amas, amat, amamus, amatis, amant." Bago ko masaulo ang 1st conjugation na yan, lagi niyang sinasabi sa aming klase sa Latin: "Memorize by heart, not only by mind." Sa kanya ko rin natutunan na ang pag-aaral ay pag-ibig; sapagkat para kay Padre Aveni nag-aaral kami hindi para lamang sa makapasa o makakuha ng mataas na marka, bagkus ay para maghanda sa aming buhay - sa aming bokasyon.
... itutuloy...
No comments:
Post a Comment