Monday, July 11, 2011

BUOD NG GENESIS

Kabanata 1

Nilalang ng Diyos: (1) ang langit at lupa na wala pang anyo, at araw at gabi; (2) langit na maghahati sa tubig na nasa itaas at sa ibaba; (3) dagat, at lupa na nagkaroon ng tumubong mga halaman; (4) araw, buwan at mga bituin; (5) mga bagay na nabubuhay sa dagat at mga ibon sa himpapawid; (6) lahat ng uri ng hayop sa lupa; at ang tao, isang lalaki at isang babae, na inatasang magpakarami at maging tagapamahala sa lahat ng mga nilalang.

Kabanata 2

Nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw matapos na paglikha. Ginawa ng Panginoon ang tao mula sa alabok. Dinala Niya ang tao sa halamanan sa Eden. Sinabihan na maaaring kainin ng tao ang alinmang bunga, maliban lamang sa puno na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama na siya namang ipinagbawal kainin.. Binigyan ng Diyos ang tao ng makakasama tulad ng mga hayop at mga ibon. Ginawa ng Diyos ang babae mula sa tadyang ng lalaki para may makasama ang tao.

Kabanata 3

Sumunod ang babae sa tukso ng ahas na pitasin at kainin ang bunga ng puno (ng kaalaman ng mabuti’t masama) na ipinagbabawal ng Diyos. Binigyan ng babae ang kanyang asawa. Nalaman nilang sila’y hubad. Bilang parusa, sinabi ng Diyos sa ahas na ito ay gagapang. Ang binhi ng ahas at ng babae ay mag-aaway. Pinarusahan ng Diyos sina Adan at si Eva. Sila ay magdaranas ng mga hirap sa buhay. Sila ay pinalayas sa hardin ng Eden para hindi nila malapitan ang puno ng buhay.

Kabanata 4

Nagkaroon ng anak sina Adan at Eva na sina Cain (magsasaka) at Abel (pastol). Kinalugdan ng Panginoon ang handog ni Abel kaysa kay Cain. Nagalit si Cain at pinatay niya si Abel. Nalaman ito ng Panginoon at sinumpa niya si Abel. Pinalayas si Cain sa kanyang lupain at tumira sa lupain ng Nod. Nagkaroon ng anak si Cain na ang ngalan ay Enoc. Simula kay Enoc, nasundan pa ng iba pang angkan. Samantala, nagkaroon ulit ng anak si Adan na ang ngalan ay Set.

Kabanata 5

“Sangkatauhan” ang tinawag ng Diyos matapos likhain ang lalaki at babae at sila’y pagpalain. Nagsimula ang lahi ni Adan sa anak niyang si Set. Si Set ay ama ni Enos na ama ni Kenan na ama ni Mahalalel na ama ni Jared na ama ni Enoc na ama ni Matusalem na ama ni Lamec na ama ni Noe. Si Noe ang “ipinanganak na lulunas sa lahat ng mga pagpapagal at paghihirap.” Naging mga anak ni Noe sina Shem, Ham at Jafet.

Kabanata 6

Napakarami na ang mga tao sa daigdig. Ang ilang mga babae ay naging asawa ng mga anak ng Diyos. Nagbunga ito ng mga higanteng anak na naging bayani at tanyag noon. Naging laganap naman ang kasamaan at karahasan sa daigdig. Kaya naman, napagpasyahan ng Diyos na lipulin ang lahat ng tao sa daigdig sa pamamagitan ng paglulubog nito sa tubig. Si Noe ay inutusan ng Diyos na gumawa ng barko upang iligtas ang kanyang pamilya at ng mga tig-iisang pares ng lahat ng uri ng hayop.

Kabanata 7

Upang magpatuloy ang lahi sa balat ng lupa, inutusan ng Diyos si Noe na magpasok ng mga hayop sa barko (7 pares sa bawat hayop na malinis at 1 pares sa di-malinis at 7 pares sa bawat uri ng ibon). Inutusan din ng Diyos na pumasok ang mag-anak ni Noe sa barko. Pagkaraan ng 7 araw, bumaha sa buong daigdig ng 40 araw at 40 gabi sa pamamagitan ng mga bukal at pagbuhos ng ulan. Namatay ang lahat ng may buhay sa lupa maliban kay Noe at sa kanyang mga kasama sa barko.

Kabanata 8

Tumigil na ang ulan at matapos ang 150 araw humupa na ng tuluyan ang baha.Pinalipad ni Noe ang isang kalapati. Pagbalik nito ay may dala na itong sariwang dahon ng olibo. Natiyak ni Noe na kati na ang tubig. Inutusan ng Diyos si Noe na sila ng kanyang pamilya at ng mga hayop ay lumabas na sa barko. Nagtayo si Noe ng altar. Kumuha siya ng isa sa bawat malinis na hayop at ibon at sinunog bilang handog. Nangako ang Diyos na hindi na niya lilipuling muli ang anumang buhay sa daigdig.

Kabanata 9

Binasbasan ng Diyos na magkakaroon ng maraming lahi si Noe. Magkakaroon sila ng kapangyarihang pangalagaan ang mga hayop. Ipinagbawal ng Diyos ang pagpatay ng kapwa. Ang bahaghari naman ang magsisilbing tanda ng pangako ng Diyos kay Noe at sa iba pang mga nabubuhay na hindi na niya gugunawin ang daigdig. Nalasing si Noe at nakatulog ng hubad. Tinakluban nina Shem at Jafet ang ama ng balabal. Samantalang si Canaan ay sinumpa ni Noe.

Kabanata 10

Si Noe ay may tatlong anak: Shem, Ham at Jafet. Mula sa kanyang tatlong anak ay dumami ang kanyang angkan. Mula sa angkan ni Jafet nagmula ang mga bansa sa baybay-dagat at mga pulo. Bawat isa’y nagkaroon ng sariling lupain at wika. Mula sa angkan ni Ham, kumalat rin ito sa iba’t ibang lupain at naging iba’t ibang bansa na may kani-kanilang wika. Mula sa angkan ni Shem, mapapansin naman ang dami ng lahi niya umabot ito hanggang 26 katao o hanggang kay Jobab.

Kabanata 11

Noon, may iisang wika lamang ang mga tao sa daigdig. Simula na nagnais at kumilos ang mga tao upang gumawa ng toreng abot hanggang langit, ginulo ng Diyos ang wika ng mga tao upang sila’y magkawatak-watak at hindi magkaintindihan. Ang lahi ni Shem, mula kay Arfaxad hanggang kay Terah, ay umabot sa 9 na ka-anak-anakan. Naging anak ni Terah sina Abram (asawa ni Sarai), Nahor (asawa ni Milca na anak ni Haran) at Haran (naging anak nya sina Milca, Isca at Lot).

Kabanata 12

Inutos ng Diyos kay Abram na lisanin ang Haran upang pumunta sa bayang ituturo sa kanya ng Diyos upang gawing silang malaking bansa. Isinama niya sina Sarai at Lot. Nakarating sila sa Canaan at nagtuloy sa isang banal na lugar. Nagpakita ang Diyos kay Abram sa malaking puno at nagsabing iyon ang lupaing ibibigay sa kanya. Dahil sa taggutom, nagtungo sila sa Egipto. Nagpakilala si Abram at Sarai na magkapatid lamang para maiwasang patayin ng mga Ehipcio si Abram.

Kabanata 13

Mayaman na si Abram ng mga panahong iyon at marami na ring mga alagang hayop. Gayundin naman si Lot, marami na ring mga sariling alagang hayop. Dahil sa madalas mag-away ang mga pastol nla, napagpasyahan na nilang maghiwalay ng lugar. Pinili ni Lot ang dakong silangan sa Kapatagan ng Jordan. Si Abram naman ay nanatili sa Canaan. Pagkatapos magpakitang muli ng Panginoon kay Abram tungkol sa lupang ibibigay sa kanya, lumipat siya Hebron.

Kabanata 14

Nanalo ang 4 na hari laban sa 5 hari. Sinamsam ng 4 na hari ang lahat ng mga ari-arian at pagkaing natagpuan nila sa Sodoma at Gomorra. Nabihag nila si Lot at kinuha ang lahat ng ari-arian nito. Kasama ng 318 mandirigma sumalakay sina Abram sa mga kaaway para bawiin si Lot at mga iba pang mga kasamahan at mga ari-arian nito. Nag-alay ng tinapay at alak si Melquisedec at nagpuri sa Diyos. Nakipagkasunduan si Abram sa Hari ng Sodoma tungkol sa mga bagay na nasamsam nila.

Kabanata 15

Sinabi ng Diyos kay Abram na magkakaroon sya ng sariling anak na magiging tagapagmana. Ang kanyang lahi ay darami. Nag-alay si Abram ng mga hayop at ibon ayon sa ipinag-utos ng Diyos. Magiging alipin ang kanyang mga apo at mga anak sa ibang bayan sa loob ng 400 taon. Sila rin ay makakalaya at makakakuha ng maraming kayamanan. Bilang kasunduan, ibibigay ng Diyos sa lahi ni Abram ang mga lupain mula Egipto hanggang sa Ilog Eufrates at ilan pang mga lupain.

Kabanata 16

Sa kadahilanang hindi kayang magdalang-tao ni Sarai, sinabihan niya si Abram na sipingan ang kanyang alipin na si Hagar. Nagdalang-tao nga si Hagar subalit nagmalaki sya kay Sarai. Pinagmalupitan siya ni Sarai at siya’y tumakas. Pinabalik ng anghel si Hagar kina Abram at sinabing paparamihin ang kanyang mga anak. Ang kanyang dinadala sa sinapupunan ay tatawaging Ismael at hindi magkakaroon ng magandang pag-uugali.

Kabanata 17

Nagpakita ang Diyos kay Abram. Tinawag niyang Abraham si Abram tanda na siya ay magiging ama ng maraming bansa. Si Sarai ay tinawag na Sara sapagkat siya rin ay pagpapalain ng Diyos na maging ina ng maraming bansa. Bilang tanda ng pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham at sa mga salinlahi niya, sinabi ng Diyos na tutuliin lahat ng mga lalaki mula sa kanyang lahi’t mga alipin pagsapit ng ika-8 araw mula pagsilang. Magkaka-anak si Abrahan kay Sara at tatawagin itong Isaac.

Kabanata 18

Inasikaso nina Abraham at Sara ang 3 panauhin. Sinabi ng isa sa mga panauhin na pagbalik nila’y may anak na si Sara. Palihim na napatawa si Sara sapagkat alam niya na matanda na siya at imposible ng magka-anak pa. Umalis ang mga panauhin at nagtungo sa Sodoma. Maraming mga tao doon ang gumagawa ng kasalanan. Pero sinabi ng Panginoon kay Abraham na hindi niya iyon lilipulin hanggang may mga mabubuting taong natitira pa doon.

Kabanata 19

Ang 2 lalaki o anghel ay sinalubong ni Lot sa may pintuan ng Sodoma. Pinatuloy, pinagpahinga at pinakain sila. Lahat ng mga kalalakihan sa lunsod ay pumunta sa bahay ni Lot para makipagtalik sa 2 lalaki, pero sila’y binulag ng 2 dahil sa kanilang pamimilit. Pina-alis ng Panginoon ang mga angkan ni Lot para iligtas sa pagwasak ng Sodom at Gomorra dahil sa kasalanan. Lumingon ang asawa ni Lot at ito’y naging haliging asin. Ang 2 anak ni Lot ay nilasing at nakipagtalik sa ama para magka-anak.

Kabanata 20

Nanahan sina Abraham at Sara sa Gerar at nagpakilalang magkapatid sa takot na mapatay si Abraham. Kinuha ni Abimelec, hari ng Gerar, si Sara. Ang Diyos ay nagpakita sa panaginip ng hari at inutusang ibalik si Sara kay Abraham. Agad binalik ng hari si Sara kay Abraham. Nagbigay si Abimelec ng mga ilang hayop, alipin at pera para masabi nya na hindi nya ginalaw si Sara. Nanalangin si Abraham para sa nasasakupan ng hari at maibalik sa dati nitong kaayusan at kalusugan.

Kabanata 21

Nanganak si Sara at pinangalan ni Abraham itong Isaac. Tinuli si Isaac ayon sa utos ng Diyos. Base sa pangamba ni Sara na makibahagi sa mamanahin ni Isaac, pinalayas ni Abraham ang kanyang mag-inang si Hagar at Ismael. Pinangako naman ng Diyos kay Hagar na hindi Niya pababayaan si Ismael. Nagbigay ng 7 tupa si Abraham kay Abimelec bilang pagsang-ayon na kay Abraham ang balon. Tinawag ang lugar na iyon sa pangalang Beer-seba sapagkat doon ay nanumpa sila sa isa’t isa.

Kabanata 22

Sinabihan ng Diyos si Abraham na isama sa bundok si Isaac at ito ay iaalay. Dala nila ang mga panggatong, apoy at patalim na gagamitin. Hindi pa alam ni Isaac na siya ang alay kaya nagtanong siya sa tungkol dito. Pagdating nila sa lugar, ginapos ni Abraham ang anak at sasaksakin na ang anak. Pinigilan siya ng anghel ng Diyos at sinabing sinusubukan lamang siya. Nag-alay na lang si Abraham ng lalaking tupa. Pagpapalain sya ng Panginoon dahil hind niya pinagkait ang kanyang anak.

Kabanata 23

Namatay si Sara. Para sa paglilibingan ni Sara, nakipag-usap si Abraham sa mga Heteo upang maging saksi sa pagbili ng lupa sa Hebron kay Efron na anak ni Zohar. Binili ni Abraham ang yungib na nasa tabi ng lupain ni Efron na katabi ng Macpela. Binili ni Abraham ang lupa sa halagang apatnaraang pirasong pilak. Ang yungib nga at mga punong kahoy na nasa paligid nito ay naging pag-aari ni Abraham.

Kabanata 24

Inutusan ni Abraham na pumunta sa kanyang bayang tinubuan ang pinakamatanda niyang alipin para pumili ng mapapangasawa ni Isaac. Nanalangin ang alipin sa Diyos na tulungan siya upang makapili ng nararapat na babae para kay Isaac. Napili niya si Rebecca. Binigyan niya ng mamahaling singsing at dalawang pulseras. Ipinaalam ito ng alipin sa magulang (Bethuel) at kapatid (Laban) ni Rebecca. Sila’y pumayag at si Rebecca ay pumayag na sumama sa alipin at naging asawa ni Isaac.

Kabanata 25

Muling nag-asawa si Abraham na ang pangalan ay Ketura. Nagkaroon siya ng 6 anak at 7 apo dito. Namatay si Abraham at inilibing sa binili nyang yungib sa Macpela. Si Ismael naman ay nagkaroon ng 12 anak na sa kanilang mga pangalan isinunod ang mga pangalan ng mga bayan. Si Isaac naman ay nagkaroon ng kambal na anak na sina Esau at Jacob. Ibinigay ni Esau ang kanyang karapatan bilang panganay kay Jacob.

Kabanata 26

Tumira sina Isaac sa Gerar. Lumago ang kanyang kabuhayan doon, naging napakayaman at makapangyarihan. Dahil dito, pinaalis siya ni Abimelec. Pinahukay ni Isaac ang mga balon na pinagawa ng ama nya. Nagpunta si Isaac sa Beer-seba o Balon ng Panata at doon nanirahan. Nakipagkasunduan si Abimelec kay Isaac na magiging magkaibigan. Naging asawa ni Esau ang mga dayuhang sina Judit at Basemat na ikinasama ng loob nina Isaac at Rebeca.

Kabanata 27

Dahil sa panlilinlang ni Jacob katuwang ng kanyang ina na si Rebeca, nakuha ni Jacob ang basbas bilang tagapagmana mula sa ama niyang si Isaac. Samantalang sumama ang loob ni Esau kay Jacob. Siya ay nagalit at balak na patayin ang kanyang kapatid. Nalaman ito ni Rebeca kaya naman kinausap niya ang kanyang anak na si Jacob upang umalis at magpunta kay Laban (kapatid ni Rebeca) sa Haran. Pababalitaan na lang ni Rebeca si Jacob kung humupa na ang galit ng kapatid niya sa kanya.

Kabanata 28

Pinapunta nga ni Isaac si Jacob sa Mesopotamia, kay Laban na anak ni Bethuel na taga-Aram. Napag-alaman ni Esau ang lahat ng mga detalye sa pag-alis at mga paalala kay Jacob. Nag-asawang muli si Esau. Napangasawa niya ang kapatid ng pinsan niyang si Nebayot na si Mahalat, anak ni Ismael. Sa panaginip, nagpakita ang Panginoon kay Jacob sinabi Niya na ibibigay ang lupaing Bethel kay Jacob. Nangako ang Panginoon na pararamihin, pagpapalain at pagtatanggol ang lahi nya.

Kabanata 29

Nakilala ni Jacob si Raquel sa isang balon sa lupain ng mga taga-Silangan. Pag-uwi sa bahay nina Raquel, sinalubong agad sila ni Laban. Nakilala ni Jacob ang 2 niyang pinsang babae, sina Lea at Raquel. Para mapangasawa, naglingkod si Jacob kina Raquel ng 7 taon. Dahil sa kaugaliang “unang ikasal ang panganay,” pinasiping ni Laban si Lea kay Jacob. Kailangan pa ng 7 taong paninilbihan para makasal si Jacob kay Raquel. Baog si Raquel pero nagkaroon ng 4 na anak si Jacob kay Lea.

Kabanata 30

Nagkaroon ng 7 anak si Jacob kay Lea at 2 anak sa alipin ni Lea. Nagkaroon siya ng 1 anak kay Raquel at 2 anak sa alipin ni Raquel. Kasama ng kanyang mga asawa’t anak, ninais ni Jacob na umalis na kina Laban. Dahil si Jacob ay nanilbihan, tinanong siya ni Laban kung magkano ang kanyang ibabayad. Hiningi lamang ni Jacob kay Laban ang mga tupang itim at mga batang kambing na may tagping puti. Lumusog, lumaki at dumami ang kawan kaya’t lalong yumaman si Jacob.

Kabanata 31

Napagdesisyunan ni Jacob na umalis kasama ng kanyang mga asawa’t anak at mga ari-arian sa lugar ni Laban. Sinabihan nya sina Lea at Raquel sa desisyong ito. Hinabol sila ni Laban. Hinalughog ang kanilang mga dala para hanapin ang mga nawawala niyang mga diyus-diyosan. Ipinaliwanag ni Jacob kay Laban ang kanyang mahabang taong paghihirap sa paglilingkod sa pamilya at kawan ni Laban. Sina Jacob at Laban ay nagkasunduan sa pamamagitan ng pagbunton ng bato bilang pagpapaala-ala.

Kabanata 32

Nagpatuloy sa paglalakbay sina Jacob sa paglalakbay. Ipina-una niya ang kanyang sugo para magpahatid ng mensahe ng pakikipagkasundo kay Esau. Siya’y nanalangin sa Diyos upang gabayan sa anumang bantang pagsalakay ng kanyang kapatid na si Esau. Naghanda siya ng mga regalo para kay Esau at ipina-una ito kasama ng kanyang mga alipin. Nakipabuno si Jacob sa isang lalaki. Binasbasan siya ng lalaki bilang Israel. Umalis si Jacob ng papilay-pilay.

Kabanata 33

Nagkita sina Jacob (kasama ang kanyang mga pamilya at mga tauhan) at Esau (kasama ang 400 niyang tauhan). Nagsalubong sila sa pamamagitan ng pagyakap, halik at nagka-iyakan. Ang mga pamilya’t mga alipin ni Jacob ay yumukod bilang pagbibigay-galang kay Esau. Bilang pakikipagkasundo ni Jacob kay Esau, ibinigay niya ang mga regalo kay Esau. Nauna si Esau papuntang Seir. Sina Jacob ay pumunta muna ng Sucot, tumawid sa Shekem at nagbalik sa Canaan.

Kabanata 34

Ginahasa ni Shekem ang anak na babae ni Jacob na si Dina. Ang ama ni Shekem na si Hamor ay pumunta kay Jacob. Bibigyan ni Hamor ng lupain, hanap-buhay at ari-arian sina Jacob ‘pag kinasal sina Shekem at Dina. Palinlang na pumayag ang mga kapatid ni Dina yun ay sa kundisyon ng pagpapatuli ng lahat ng mga lalaki sa angkan ni Hamor. Pinagpapatay ng mga kapatid ni Dina ang mga lalaking Hivita at kinuha ang lahat ng mga ari-arian at mga bagay na mapapakinabangan.

Kabanata 35

Inutusa ng Diyos si Jacob na pumunta sa Bethel at doo’y nanirahan (pati mga kasamahan niya) at gumawa ng altar. Binasbasan si Jacob ng Diyos at tinawag syang Israel. Sinabi ng Diyos na darami ang kanyang angkan at pagmumulan ito ng maraming bansa. Malapit na sila sa Efrata, nanganak si Raquel na pinangalanang Benjamin (Benoni) na syang dahilan ng pagkamatay ni Raquel. Mga bilang ng naging anak ni Jacob: 12 kay Lea; 2 kay Raquel; 2 kay Bilha; 2 kay Zilpa. Namatay si Isaac.

Kabanata 36

Nagkaroon ng 3 asawa si Esau. Sila ay sina Ada, Aholibama at Basemat. Nagkaroon siya ng 5 anak sa kanila at 10 apo. Makikita naman sa lahi ni Seir (Horeo) na nagkaroon siya ng 7 lalaking anak at 20 apo. Ang mga naging hari ng Edom naman, mula kay Bela hanggang kay Hadar, ay umabot hanggang 8. Nagkaroon ng 11 lipi (o bansa) na nagmula kay Esau ayon sa kanilang tirahan. Si Esau ang ninuno ng mga Edomita.

Kabanata 37

Pinakapaboritong anak ni Jacob si Jose. Nanaginip si Jose na maghahari sya sa kanyang magulang at 11 kapatid. Ito ang dahilan ng pagka-inggit ng kanyang mga kapatid at binalak syang patayin. Siya’y inihulog sa balon. Tapos, naisipan na lamang siyang ibenta sa mga Midianita sa halagang 20 pirasong pilak. Pinalabas na lamang ng mga kapatid nya sa kanilang ama na si Jose ay napatay ng mabangis na hayop. Pinagluksa ito ng matagal ni Jacob. Ipinagbili naman si Jose ng mga Midianita kay Potifar.

Kabanata 38

Napangasawa ni Juda ang anak ni Sua na isang Canineo. Nagkaroon sila ng 3 anak. Sila ay sina Er, Onan at Sela. Napangasawa ni Er si Tamar . Dahil sa napakasamang ugali ni Er, nagalit ang Panginoon at sya’y pinatay. Inutusan ni Juda kay Onan na sipingan ang byuda ng kanyang kapatid. Si Onan ay namatay din dahil sa pagtapon sa kanyang binhi sa labas.Napagkamalang bayaring babae si Tamar ni Juda kaya’t ito’y sinipingan niya’t nagbunga ng kambal na anak: sina Fares at Zara.

Kabanata 39

Si Jose ay ipinagbili kay Potifar, isaang mataas na opisyal ng Faraon at ng mga tanod sa palasyo. Dahil si Jose ay may patnubay ng Panginoon, sya’y nagtatagumpay sa kanyang mga tungkulin. Ginawa ni Potifar na si Jose ang maging katiwala sa bahay, lahat ng ari-arian at sa bukirin. Inakit sya ng asawa ni Potifar. Pinalabas ng asawa ni Potifar na sya’y pinagsamantalahan ni Jose. Ipinakulong si Jose. Pero sa gabay ng Panginoon, naging tagapamahala at tagapagpasya si Jose sa bilangguan.

Kabanata 40

Naatasan si Jose na tumingin at maglingkod sa 2 ipinabilanggo ng Faraon: (1) ang tagapangasiwa ng inumin at (2) ang punong panadero. Parehong nanaginip ang 2 ipinabilanggo. Tinulungan sila ni Jose para ipaliwanag ito. Sa unang bilanggo, ipinaliwanag ni Jose na sa loob ng 3 araw ay makakabalik sya sa tungkulin bilang tagapangasiwa ng inumin. Sa ikalawang bilanggo, sinabi ni Jose na sa loob ng 3 araw ipapabitay sya. Natupad ang sinabi ni Jose, ngunit sya’y nakalimutan ng unang bilanggo.

Kabanata 41

Ipinaliwanag ni Jose ang mga panaginip ng Faraon na magkakaroon ng 7 taong kasaganaan kasunod ang 7 taong taggutom. Dahil sa karunungan at pang-unawa ni Jose, ginawang tagapamahala ng Faraon sa buong bansa ng Egipto si Jose sa bago nyang pangalan na Zafenat-panea. Ikinasal sya kay Asenat at nagbunga ng 2 anak (Manases at Efraim). Nangyari nga ang 7 taong kasaganaan at 7 taong taggutom. Ang bansang Egipto lamang ang hindi naggutom sapagkat nakaipon sila ng pagkain.

Kabanata 42

Inutusan ni Jacob ang 10 kapatid ni Jose na magtungo sa Egipto upang bumili ng pagkain. Naiwan si Benjamin. Pagkarating sa Egipto, hindi nila nakilala si Jose. Pero sila’y nakilala nya. Pinagbintangan ni Jose na mga espiya ang kanyang mga kapatid. Si Simeon ang pinakulong ni Jose kapalit ng pagdadala kay Benjamin. Pagbalik nila sa Canaan, nagulat sila ng makita nila sa sako ng kanilang napamiling pagkain ang salaping ibinayad nila. Ayaw ni Jacob na isama sa Egipto si Benjamin.

Kabanata 43

Naubos na ang pagkain na binili ng 10 magkakapatid. Sinabi nila kay Jacob na bibili silang muling ng pagkain sa Egipto at isasama si Benjamin. Sinabi ni Juda sa ama na pananagutan niya si Benjamin. Pinayagan sila ng ama sa gusto nilang mangyari. Pagkarating sa Egipto, pinapunta ni Jose ang magkakapatid sa kanyang bahay para doo’y mananghalian. Ibinigay ng magkakapatid ang handog kay Jose. Kinamusta ni Jose ang kanyang ama sa kanyang mga kapatid. Masaya silang nagsalu-salo.

Kabanata 44

Ipinalagay ni Jose sa kanyang katiwala ang kanyang kopang pilak sa sako ni Benjamin. Sa pag-alis ng magkakapatid, sa di pa kalayuan, pinahabol ni Jose sa kanyang katiwala upang ipahanap ang kopa. Hinalughog ang kanilang mga dalang sako at nakita ang kopa sa sako ni Benjamin. Dahil dito si Benjamin ay magiging alipin ni Jose. Walang nagawa ang mga magkakapatid. Kaya, nagmakaawa si Juda kay Jose sa sinapit nila sapagkat nakasalalay ang buhay ng kanilang ama sa kawalan ni Benjamin.

Kabanata 45

Hindi nakayanan ni Jose ang kanyang damdamin kaya nagpakilala na siya ng tunay niyang pagkatao sa kanyang mga kapatid. Sinabi niya sa kanyang mga kapatid na ibalita ito sa kanilang ama at sabihing manirahan sa Goshen. Nakarating ang balita sa Faraon tungkol sa mga kapatid ni Jose at ito’y ikinatuwa niya. Sa kanilang pag-alis, nagpadala ang Faraon ng mga pagkain, mga karwahe, mga ilang produkto ng Egipto at inanyayahang manirahan sa Egipto. Pagkabalita, ikinatuwa ito ni Jacob.

Kabanata 46

Naglakbay na papuntang Egipto sina Jacob at ang kanyang angkan. Nagpakita ang Panginoon kay Jacob at muling sinabi na gagawin syang malaking bansa. 66 ang mga anak at apo ni Jacob na nagpunta sa Egipto. 70 ang kabuuang sambahayan ni Jacob. Sa Goshen, sinalubong ni Jose ang kanyang amang si Jacob. Sinabi ni Jacob kay Jose na handa na siyang mamatay sapagkat nakita na niyang muli ang kanyang pinakamamahal na anak.

Kabanata 47

Isinama ni Jose ang lima nyang kapatid sa Faraon. Binasbasan ni Jacob ang Faraon. Ibinigay ng Faraon ang Goshen. Tumindi ang taggutom sa Egipto at Canaan at wala ng kahit anong pambayad ang mga tao. Bilang kabayaran na lamang ay ang pagiging alipin nila sa Faraon at ang 5 bahagi na kikitain sa kanilang aanihin ay ibibigay sa Faraon. Nagbigay ng basbas si Jacob kay Jose. Sinabi nya na ilibing sya kasama ng kanyang mga magulang.

Kabanata 48

Nabalitaan ni Jose na may sakit na ang kanyang amang si Jacob. Nang malaman ni Jacob na dadalaw sina Jose, agad itong umupo sa kanyang higaan. Isinama niya ang kanyang dalawang anak. Sinabi ni Jacob kay Jose na magiging tagapagmana rin sina Efraim at Manases. Inutos ni Jacob kay Jose na ilapit sa kanya ang mga bata upang sa gayon ay mabasbasan. Nasabi ni Jacob kay Jose ang malapit na niyang pagpalaw at si Jose ang magiging tagapagmana ng Shekem.

Kabanata 49

Ipinatawag ni Jacob ang lahat ng mga anak niya para sa kanyang pahayag. Sa pagpapaliwanag ni Jacob, mapapansin na may kanya-kanyang pag-uugali ang kanyang mga anak. Isinalarawan ni Jacob kung ano mangyayari sa kanila. Ipinaalam din ni Jacob sa kanyang mga anak ang kahihinatnan ng mga desisyon at pagkilos nila. Pero higit sa lahat ay ang malaman nila ang importansya ng pagkilos at pagtulong ng Diyos sa buhay ng tao. Pagkatapos, humimlay at namatay si Jacob.

Kabanata 50

Hiniling ni Jose sa Faraon na ihimlay ang mga labi ng kanyang ama sa kaparangan ng Macpela sa Canaan. Maraming sumama sa kanila para makilibing. Nasaksihan ng mga taga-Canaan na kung papa-anong magluksa ang mga taga-Egipto. Nagbilin si Jacob na kailangang magpatawad si Jose para sa lahat ng ginawa sa kanyang kasalanan ng kanyang mga kapatid. Kaya naman, binigyan ni Jose ng kapanatagan ang mga kapatid. Namatay si Jose sa gulang na 110.

1 comment:

Anonymous said...

Nagalit Ang Diyos kay Cain at si cain ang sinumpa. Hindi si abel.