Think Positive! Marami akong dapat ipagpasalamat sa Panginoon sa mga nangyari, nangyayari, mangyayari sa buhay ko ngayon... Sa likod ng pilak na taong anibersaryo ng aking pananahan sa mundong ito na aking pinagdiwAng sa makasaysayang bayan ng Bay, ay patuloy itong namumulaklak ngayon papunta sa edad ni Kristo na kung saan Sya'y nagsimula ng Kanyang ministeryo sa publiko... Malaking bahagi ng aking buhay at yaring pagpapatuloy nito ay malaking utang na loob ko sa Diyos at sa mga taong tumulong upang mahanap at masaksihan ko ang kabuluhan nito... Hindi ko sinasabi na ako'y ganap ng nilalang, subalit sa bawat paglalakbay at sa bawat pagyapak ng sandalyas ng aking karanasan nakikita ko ang buhay na aking tinataglay ngayon... isang buhay na tanging nag-uugat sa Bathalang lumalang sa akin...
Sa pagyakap ko sa panibagong yugto ng aking buhay - ang ika-27 pagkayarian - nais ko itong gugulin sa pagninilay sa pamamagitan ng pag-aaral, pagpapayaman ng relasyon sa kapwa ng may paggalang at sa mas mataimtim na ugnayan sa Manlilikha...
Sa mga taong itong nakalipas na aking itinuturing kong biyaya sa mula sa Itaas, masasabi ko na kailanman ay wala akong dapat ipagmayabang o ipagmalaki... Sapagkat ang lahat namang biyaya na aking natanggap ay nagmula at nagmumula sa Kanya...
Sya ang Dakilang may Akda nito... Kung anuman ang kaginhawahan at pagpapala na aking natatanggap, narating o mararating, yun ay dahil sa patuloy Niyang paghahanap at higit sa lahat pagmamahal ng Dakila sa akin... Bukod tanging maipagmamalaki ko lamang yata sa mundo at mga taong hindi naniniwala sa Kanya - ay may Diyos akong Dakila sa lahat...
"Pilak-namumulaklak" ika nga sa isang pambatang awitin ng ating kultura... Napili ko ang temang ito upang magsilbing yarda ng aking pagninilay sa kabutihan Niya sa aking limitadong salita bilang tao... sapagkat ang Kanyang pagmamahal sa akin at sa akin ay kailanma'y di masusukat sa "pilak namumulaklak" Subalit sa pamamagitan nito, magkakaroon ako ng lagom ng lahat ng mga pagpapalang ito... Hindi man perpekto ang aking paghahayag na ito... O hindi man kayang buoin ng sanaysay na ito ang kadakilaan Niya sa aking buhay...
Ang tangi ko lamang masasabi, sa aking limitadong pagkaka-unawa at pagkatarok, Panginoon maraming salamat po sa buhay!
No comments:
Post a Comment