Friday, July 27, 2012

PRE-SPFY RETREAT: PAMAMAHINGA, PAGTUGON AT PAGBALIK


            Ang pagdadaanan ko ngayong programa ay isang pahinga. Pahinga sa pag-aaral o mga gawaing akademiko. Gayunpaman, napagtanto ko na ito ay pamamahinga na may intensibo at espesyal na pag-aaral at pagsusuri ng aking mismong sarili… ng aking mismong puso… ng aking mismong kalooban na naka-ugnay sa Diyos na tumatawag sa akin at sa aking kapwa na balang-araw ay aking paglilingkuran. Sa ganitong espesyal na pag-aaral at pagsusuri, matingkad ang pangangailangan ng katahimikan upang makita ko sa aking sarili ang tunay kong kahinaan: ang pagiging maingay ng aking puso. Ang katahimikang ay kinakailangan sa pamamahingang ito upang lalo ko pang makita ang aking sarili bilang “ako mismo talaga” sa pakikitungo ko sa Diyos, sa aking kapwa at sa mismo kong sarili. Kabaligtaran nito, nakita ko na ang aking kadaldalan o pagiging masalita na nagmumula lang sa aking ego ay nagdudulot lamang ng kapaguran sa aking pagkatao. Samantala, ang pagsasalita ng Diyos sa akin sa pamamagitan ng pagtahimik ay nagbubunga ng kapayapaan at nagdudulot ng lakas na siyang tunay na inihahatid ng pamamahinga.
Ang pagsasalita ng Diyos sa akin ay hindi lamang nagdudulot ng pagbawi ng lakas ng pagal kong katawan o puyat na aking dinanas; bagkus, ito ay isang tunay na pamamahinga para bawiin ang lakas ng aking espiritu o kapuyatan na dinanas ng aking kalooban. Batid ko na napagaan nito ang aking kalooban, napanatag nito ang aking puso at muling napalapit ako sa Diyos sa kabila ng marami ko pang kakulangan upang maisakatuparan ng buo ang pamamahinga sa pre-SPFY Retreat. Ang Retreat na ito ay nakatulong sa akin para lalo ko pang marinig ng malinaw ang tawag ng Diyos sa akin. Kaya naman sa mga araw ng pamamahingang ito, narinig ko ang tinig Niya sa aking pananahimik. Ito ang pagkakataon na nalaman ko ang tunay na pinag-iingay o idinadaldal ng aking puso: ang makipagkuwentuhan sa Diyos.
            Habang ako ay nakikipagkuwentuhan sa Diyos, pagtugon naman ang pumapaloob sa bawat salita na Kanyang binabanggit. Naramdaman ko na nahihirapan ako sa aking pagtugon sa Kanyang mga salita, sapagkat ang bawat salita Niya ay tila mga tabak na tumataga sa aking pagkatao at humahamon sa aking pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa Kanya. Sa aking pagtugon sa Kanyang salita, sa Kanyang paanyaya, para bang may hamon na hinihingi Siya sa akin. Ito yung hamon ng pagwalay (detachment) sa aking sarili, sa aking buhay na nakagisnan at sa aking mga kasalanan. Sa aking pagtugon habang kausap Siya, para bang pinapaalala Niya ang mga katagang kagaya nang nasa pelikula na “Maging Akin Kang Muli.” Alam ko na kalakip ng pagtugon sa Kanyang tawag ay ang paninindigan na kalakip ang mga obligasyon at mga responsibilidad. Batid ko na ang pagtugon sa paninindigan ng Kanyang pagtawag sa akin ay hindi lamang nakadepende sa akin. Naniniwala ako na ang pagtawag Niya, ang Kanyang inisyatibo at ang Kanyang mismong pagkilos, ang Siya pa ring paghuhugutan ko ng lakas at inspirasyon. Kung tutuusin kapiranggot lamang ang aking kontribusyon kumpara sa hindi masukat at hindi malirip na kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos na tumatawag sa akin. At ang kapiranggot na kontribusyon kong ito ay ang pagtugon sa Kanyang walang-sawang pagyakap ng Kanyang pag-ibig sa akin, sa kanyang paulit-ulit na pagpapakita sa akin na ako ay mayroon pang pag-asa at sa walang-humpay na paraan Niya para ako’y sumampalataya at magtiwala sa Kanya. Alalaongbaga’y napagtanto ko na ang hinihiling Niyang tugon sa akin ay ang aking pagbalik sa Kanya.
Kaya naman, sa aking pagbalik sa Kanya, batid ko ang mga biyayang ibinibigay Niya. Nandiyan ang mga kasama kong mga taga-hubog na mga pari at mga kapwa ko seminaristang naglalakbay na tumutulong at gumagabay sa aking paglalakbay para ako’y muling makabalik sa Kanya. Sa pamamagitan nila, alam ko na makakapaglakbay ako sa mismo kong sarili, sa aking kaibuturan, na naglalayong maging sisidlan rin ng pag-ibig ng Diyos na tumatawag sa akin. Sa tulong rin nilang mga kamanlalakbay ko, doon ko naramdaman at mararamdaman pa ang paghuhubog ng Diyos ayon sa Kanyang disensyo para sa akin. Alam ko na sila ang makakatulong sa akin upang idisenyo ang gula-gulanit (brokenness) kong puso ko ayon sa kalooban ng Diyos.
Ang pagbalik ko sa Diyos, gaya ng “Parabula ng Alibughang Anak,” ay hindi lamang naka-base sa sarili kong kakayahan o sa sarili ko lamang na pagkaka-unawa. Alam ko na hindi ko mararating ang layon ng Diyos para sa akin ng nag-iisa lamang. Mararating ko ito ng may kasama. Kaya naman, napagtanto ko na maisasakatuparan ko lamang ang paninindigan na kalakip sa pagtugon at sa pagbalik sa tumatawag sa akin kung ako ay naka-angkla lamang sa Diyos, sa Grasyang nagmumula sa Kanya at sa mga taong pinili Niya upang ako ay makasagot sa Kanyang pagtawag ng “matamis na Oo” nang may buong pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa aking kalooban.
Kaya naman, naging makabuluhan sa akin ang pre-SPFY Retreat sapagkat nasumpungan ko ang pamamahinga, pagtugon at pagbalik sa gabay at awa ng Diyos na siyang hindi nagsasawang tumatawag at nangangamusta sa akin.

No comments: