“NINGAS” – ang pangalan ng aming grupo
na napagkasunduan naming pitong mga seminarista ng SPFY. Bago pa kami humantong
sa pangalan ng “ningas,” marami pang mga konsepto o ideya ang aming
pinag-usapan at pinagnilayan bago pa kami makapagdesisyon sa aakmang pangalan
ng aming batch o grupo. Makikita sa
mga suhestiyon ang pagkakaiba-iba ng pananaw o paningin sa bawat miyembro ng aming
grupo. Bagama’t mayroon kaming pagkakaiba-iba, humantong kami sa iisang
desisyon na masasabi ko na naroon ang pag-angkin sa pangalang akma sa aming
grupo… Ningas!
May pagkakataon rin
na pumasok rin sa aking isipan na ang “ningas” ay baka maging “ningas-cogon.”
Ito yung apoy na bigla-bigla na lamang magliliyab pero sa ilang sandali lang
namamatay rin agad. Kaya naman sa puntong ito, dito ko nasimulan ang aking
pagninilay na kung saan ang pag-aasam sa “ningas” na ito ay hindi maging
“ningas-cogon.” Bagkus, ang “ningas” ay magpatuloy sa isang lagablab o isang
malaking apoy. Magandang simula na ang magkaroon ng “ningas,” yung nga lang
napakasensitibo pa nito. Delikado pa ang “ningas” sa mga simpleng ihip ng
hangin, patak ng tubig at ilan pang mga bagay na pwedeng pumatay agad sa
ganitong uri ng apoy. Pero sa mumunting apoy na ito na tulad ng “ningas,” dito
nagmumula ang lagablab.
Sa aking
buhay-seminarista, maihahalintulad ko rin ang aking sarili sa “ningas” ng apoy
na nangangarap na maglagablab rin balang-araw. May mga pagkakataon pa rin na
humihina ang “ningas” ng aking disposisyon para manatiling tapat sa Diyos. May
mga pagkakataon rin na ang aking pagtuklas sa sarili, pagpapabanal at pagtulong
sa kapwa ay napaghihinaan rin ng “ningas” dahil sa mga nakapaligid sa akin na tila
ba humahadlang o kumokontra upang lumaki ang apoy ng aking pagnanais na
makasunod kay Hesus. Sadyang masasabi ko na ang mumunting “ningas” na
tinataglay ko ay kinakailangan ng ibayong pag-iingat at pag-aalaga upang sa
gayon ay magpatuloy sa malaking apoy sa aking sarili. Kung hindi ko ito
iingatan at aalagaan, baka sa kaunting patak lang tubig o mahinang ihip ng
hangin ay mamatay rin ito agad.
Sa aming paggawa ng
rationale, vision at mission sa
aming grupong “Ningas,” natutunan ko ang mga bagay-bagay kung papaano ang
mumunting ningas kong tumugon sa Diyos na nasa puso ko ay makapagpatuloy sa
malaking pagliliyab o lagablab ng pag-aasam na makapiling at hangarin lamang
ang Diyos na tumatawag sa akin. Sa aming pagbalangkas ng magiging katangian,
pananaw at hantungan ng pangalang “Ningas,” nabatid ko ang mga bagay na
magsisilbing “gas” at “gatong” upang makatulong sa pagpapalaki ng ningas na
nasa aking sarili. Tinalakay namin ang iba’t ibang aspeto ng paghuhubog na kung
saan namin mapapakita at mapapalaganap pa ang pagningas ng aming bokasyon:
pagiging makatao, pagiging espirituwal at pagiging pastol.
Batid ko rin na
mamatay ang ningas na aking tinataglay kung wala ang grasya at awa ng Diyos.
Alam ko na sa Kanya nagmula at nagmumula ang mga kinakailangan kong lakas,
inspirasyon at iba ko pang pangangailangan upang sa gayon ang mumunting ningas
na aking nasumpungan ay maglagablab na nakalayon lamang na ibalik muli ito sa
Diyos at ibahagi sa iba pang mga nangangailangan na nag-aasam rin na mapalaki
ang ningas ng kanilang pag-aasam sa pagpapakabanal.
Kaya naman, laging
hinihiling ko sa Diyos na sana’y huwag mamatayan ng ningas ang aking sarili…
ang aking pagtugon… ang aking nararamdamang pananampalataya, pag-asa at
pag-ibig sa Kanya para sa gayon ay magpatuloy na ang mumunting apoy na ito sa
isang lagablab ng pagpapakabanal. At nawa ang ningas na tinataglay ko ngayon ay
maging daan sa aking patuloy na pagbabago ng aking puso, pagdadalisay ng aking
hangarin sa pagtugon sa Diyos at pagpapalakas ng paninindigan na sumunod lamang
sa Panginoon.
No comments:
Post a Comment