Kabanata 1
Ang mga Israelita ay naging makapangyarihan at mabilis na dumami. Ito ay pinangambahan ng bagong hari (na hindi nakakakilala kay Jose) at ng mga Egipcio. Naglagay sila ng mga mababagsik na tagapangasiwa para pahirapan ang mga Israelita. Ipinag-utos ng Faraon sa 2 komadrona na patayin ang lahat ng lalaking sanggol na isisilang ng mga Hebrea. Hindi nila ito sinunod kaya’t kinalugdan sila ng Diyos. Iniutos ng Faraon sa lahat ng kanyang nasasakupan na itapon sa Ilog Nilo ang lahat ng lalaking isisilang at hayaan namang mabuhay ang mga babae.
Kabanata 2
Kinupkop ng prinsesa, anak na babae ng Faraon, ang 3 buwang lalaking sanggol na nakita sa loob ng basket na nasa talahiban sa may pampang ng ilog. Itinuring na anak ng prinsesa ang sanggol at tinawag na Moises dahil siya’y “iniahon” sa tubig. Nang binata na si Moises, siya’y tumakas sa kanilang lugar dahil binalak ng Faraon na sya’y ipapatay dahil sa nabalitaang pagpatay niya sa isang Egipcio. Nanirahan si Moises sa Midian at doo’y napangasawa nya ang anak ni Jetro na si Zipora. Nagkaroon sila ng anak at ito’y tinawag na Gersom.
Kabanata 3
Sa bundok ng Sinai, tinawag ng Diyos si Moises sa anyo ng nagliliyab na puno na hindi nasusunog. “Ako’y si Ako Nga” ang pakilala ng Diyos kay Moises. Siya ang Diyos ng kanyang mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Nakita ng Diyos na labis na pinahihirapan ang mga Israelita ng mga Egipcio. Inutusan ng Diyos si Moises na kausapin ang malupit na Faraon para palayain ang mga Israelita. Pakikitaan ng Diyos ng mga kababalaghan ang Faraon para pumayag silang palayain ang Israel at magtungo sa lupang pangako at doo’y sumamba.
Kabanata 4
Para maniwala ang mga Israelita, sinabi ng Diyos kay Moises na gumamit ng kababalaghan sa pamamagitan ng tungkod na magiging ahas, sakit sa balat at pagiging dugo ng tubig mula Ilog Nilo. Dahil sa pautal-utal si Moises, iniutos ng Diyos na si Aaron ang siyang magiging tagapagsalita nya. Bumalik sa Egipto si Moises kasama si Zipora. Iniligtas ni Zipora si Moises mula sa kamatayan sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli. Sinalubong sila ni Aaron sa Bundok ng Diyos. Nagpakita si Moises ng kababalaghan sa mga pinuno ng Israel at sila’y sumamba sa Diyos.
Kabanata 5
Pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon. Sinabi nila na payagang umalis ang mga Israelita upang maglakbay ng 3 araw papunta sa ilang at doo’y sumamba sa Diyos. Hindi pumayag ang Faraon. Sa halip, kinausap niya ang mga tagapangasiwang Egipcio at mga kapatas na Israelita para damihan ang mga gawain at higpitan sa pagtatrabaho ang mga Israelita. Hindi na binibigyan ang mga Israelita ng mga dayami at pinapagawa pa rin sila ng mga tisa ng mga tagapangasiwa’t mga kapatas. Sila’y binubugbog kapag hindi nakasunod. Sila’y nagalit kina Moises at Aaron.
Kabanata 6
Muling sinugo ng Diyos si Moises sa mga Israelita. Sinabi ni Moises sa mga tao ang tungkol sa kasunduan ng Diyos sa kanilang mga ninuno bilang bayan ng Diyos at ito’y tutuparin sa paghahatid sa kanila sa lupaing ipinangako. Ngunit ayaw ng maniwala ng mga tao dahil sa kahinaan ng loob at paghihirap. Narito ang pagkasunod-sunod ng angkan mula kay Jacob hanggang kina Moises at Aaron: si Jacob ang ama ni Levi na ama ni Kohat na ama ni Amram (napangasawa si Jocebed) na ama nina Aaron (nagmula ang mga puno ng angkan ng mga Levita) at Moises.
Kabanata 7
Si Aaron ang na maging tagapagsalita ni Moises sa Faraon. Patitigasin ng Diyos ang kalooban ng Faraon para maparusahan ang mga Egipcio sa pamamagitan ng mga kababalaghan. Nagpakita ng kababalaghan si Aaron sa pamamagitan ng tungkod na naging ahas ngunit ito ay nagaya ng mga matatalinong tao at ng mga salamangkero ng Faraon. Ginawa ng Diyos ang unang salot (sa pamamagitan nina Moises at Aaron): naging dugo ang tubig. Nagaya ito ng mga salamangkero. Hindi pa rin pinakinggan ng Faraon ang hiling nina Moises at Aaron.
Kabanata 8
Sa pamamagitan nina Moises at Aaron, ginawa ng Diyos ang ikalawang salot, ang napakaraming palaka sa buong Egipto. Sumunod naman ang ikatlong salot, ang pagdami ng mga niknik, na nagpahirap sa mga tao at hayop sa buong Egipto. Kasunod nito ay ang ikaapat na salot, ang makapal na langaw na bumalot sa buong Egipto. Sa bawat salot na dumarating sa Egipto, nakikipag-ayos ang Faraon kina Moises na alisin ito at nangangakong sila’y papayagang umalis. Nawawala nga ang mga salot, pero kinalauna’y pinagbabawalan pa rin silang umalis ng Faraon.
Kabanata 9
Dahil sa patuloy na pagmamatigas ng Faraon, dumating ang ikalimang salot, ang pagkamatay ng lahat ng mga hayop sa Egipto. Sumunod ang ikaanim na salot, ang paglaganap ng pigsang nagnanaknak sa mga tao at mga hayop sa buong Egipto. Hindi na ito magaya ng mga salamangkero. Dahil pa rin sa pagmamatigas ng Faraon, sumapit ang ikapitong salot, nagkaroon ng malakas na pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo na sumira at pumatay sa mga tao, hayop, halaman at ng ibang ari-arian ng buong Egipto. Nang mawala itong salot, nagmatigas pa rin ang Faraon.
Kabanata 10
Pinatigas pa rin ng Diyos ang kalooban ng Faraon, para mapakita niya ang kanyang kapangyarihan at kilalanin ng lahat bilang si Yahweh. Dumating ang ikawalong salot sa Egipto, ang pagpuksa ng mga balang sa lahat ng mga pananim ng mga Egipcio. Sumunod naman ang ikasiyam na salot, ang kadiliman sa buong Egipto sa loob ng 3 araw. Pinayagan ng Faraon na umalis sina Moises at ng kanyang pamilya, subalit pinagbawalan silang dalhin ang mga hayupan nila na ang ilan ay magsisilbing handog para sa Diyos. Pinagmatigas pa rin ng Diyos ang Faraon.
Kabanata 11
Sina Moises at mga Israelita ay iginalang ng mga Egipcio. Ipinahayag ni Moises ang bilin ni Yahweh sa Faraon tungkol sa pagkamatay ng mga panganay, maging tao man o hayop, sa Egipto na magiging hudyat ng pagtataboy sa mga Israelita. Inilarawan ni Moises sa Faraon kung papaanong lilipulin ng Diyos ang mga panganay. Magkakaroon ng malakas na panaghoy sa buong Egipto. Walang mangyayaring masama sa mga Israelita upang mapakita ng Diyos ang kinalulugdan Nyang bayan. Matapos ng pahayag, hindi pa rin pumayag ang Faraon na palayain ang mga Israelita.
Kabanata 12
Sinabi ng Panginoon panuto kina Moises at Aaron ang tungkol sa Pista ng Paskwa ng mga Israelita. Sila’y magsasalu-salo sa nilitsong lalaking tupa o kambing at tinapay na walang pampaalsa. Ang dugo ng pinagkatayan nito ay ipapahid sa kanilang tirahan para maging palatandaan ng Diyos na lampasan ang bahay na may pahid ng dugo. Naganap ang salot at namatay ang lahat ng mga lalaking sa buong Egipto. Dahil dito, pinayagang umalis ang lahat ng mga Israelita sa Egipto. Nagbigay naman ng tuntunin tungkol sa Paskwa ang Diyos kina Moises at Aaron.
Kabanata 13
Sinabi ng Diyos kay Moises ang tungkol sa pagtatalaga sa lahat ng mga panganay na lalaki sa Israel, maging tao o hayop. Taun-taon, bilang pag-alaala sa pagliligtas, gaganapin ang Pista ng Tinapay na walang pampaalsa. Kasama nito ay ang pag-aalay ng tupa bilang pag-alala sa kanilang “exodo” at bilang pangtubos sa mga panganay na anak na lalaki ng mga Israelita Naglakbay ang lahat ng mga Israelita patungong Dagat na Pula at sila’y pinatnubayan ng Diyos sa pamamagitan ng haliging apoy at ulap.
Kabanata 14
Sakay ng mga karwaheng pangdigma at mga kabayo, hinabol ng mga kawal ng Faraon ang mga Israelita. Inabot nila ang mga Israelita sa tabing dagat, malapit sa Pi Mahirot. Dahil dito, nangamba at natakot ang mga Israelita at nagnais na lamang silang magpaalipin sa mga Egipcio. Sila ay sinabihan ni Moises na lakasan ang loob at huwag matakot sapagkat ililigtas sila ng Diyos. Matapos makatawid sa nahating tubig ng Dagat na Pula ang mga Israelita, sumunod ang mga kawal ng Faraon subalit sila naman ay natabunan ng tubig at silang lahat ay namatay.
Kabanata 15
Pagkatawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula, sila ay umawit (sa pangunguna ni Moises) ng papuri at pasasalamat kay Yahweh. Inilarawan sa awit ang sinapit ng mga Egipciong sumunod sa kanilang pagtawid sa Dagat na Pula. Ang awit ay tungkol sa kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos. Tumugtog ng tamburin at umawit naman si Miriam (ng awit ng papuri sa Diyios) kasama ang mga babaeng nagsasayaw na may dala ring tamburin. Pagkatapos ng 3 araw na paglalakbay sila ay nagtungo sa Batis na Mapait para uminom. Nagkampo sila sa malapit sa balon ng Elim.
Kabanata 16
Patuloy silang naglakbay hanggang makarating sila sa ilang sa Sin noong ika-15 araw ng ika-2 buwan. Nagreklamo ang mga Israelita dahil sa kagutuman. Nagpaulan ang Diyos ng Manna o tinapay tuwing umaga. Sa takip-silim nama’y mga ibong pugo bilang kanilang pagkain. Ang mga ito ay nagaganap araw-araw (maliban sa ika-7 araw tuwing linggo, Araw ng Pamamahinga). Iniutos ng Diyos na kumuha lamang ng sapat na kakainin at sa ika-6 na araw doble ang pwede nilang pulutin para sa kinabukasan. Ang iba ay kumuha ng sobra, kaya ito ay inuod at bumaho.
Kabanata 17
Patuloy na naglakbay ang mga Israelita at nagkampo sila sa Refidim. Nagalit sila kay Moises dahil sila’y uhaw na uhaw. Pumunta si Moises kasama ng mga ilang pinuno sa ibabaw ng malaking bato sa Sinai. Hinampas niya iyon at bumukal ang tubig. Ang lugar ay tinawag na Masah at Meriba. Sinalakay sila ng mga Amalekita. Inutusan ni Moises si Josue kasama ng kanyang mga piniling tauhan upang makipaglaban. Itinaas ni Moises ang kanyang tungkod para manalo ang Israelita. Nagtayo si Moises ng altar doon at tinawag niyang “Si Yahweh ang aking Watawat.”
Kabanata 18
Dinalaw ni Jetro si Moises dahil nabalitaan niya ang ginawa ni Yahweh sa mga Israelita. Isinalaysay ni Moises kay Jetro ang lahat ng mga nangyari: simula ng sila’y nasa Egipto pa hanggang sa ngayo’y naglalakbay na sila. Sa katuwaan ni Jetro sa mga nabalitaan, siya ay nagpuri at nag-handog sa Diyos. Kinabukasan napansin ni Jetro ang hirap na nararanasan ni Moises sa pamamagitan at paghatol nito tungkol sa mga usapin ng mga tao. Pinayuhan niya si Moises na maghirang ng mga hukom ng bayan na mapagkakatiwalaan para humatol sa mga maliliit na usapin.
Kabanata 19
Nang makarating na sila sa Sinai, inutusan si Moises ng Diyos na ihanda ang mga Israelita para sa Kanyang pagpapakita sa mga tao. Tinagubilin ng Diyos na labhan ng mga Israelita ang kanilang mga damit, maglinis ng sarili at lagyan ng hangganan ang paligid ng bundok para sa pagsamba ng mga tao. Ang sinumang hindi pinapayagang lumampas sa hangganan ay paparusahan. Ang tunog ng trumpeta ang siyang magsisilbing hudyat na maaari ng makaakyat sa bundok ang lahat ng mga tao. Ang bundok ay nabalot ng makapal na ulap.
Kabanata 20
Ibinigay ng Diyos ang Kanyang mga Utos: ‘wag sasamba sa ibang diyos, ‘wag gagawa ng imahen, ‘wag gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ng Diyos, tandaan at ilaan sa Diyos ang Araw ng Pamamahinga, igalang ang ama’t ina; ‘wag papatay, ‘wag mangangalunya, ‘wag magnanakaw, ‘wag sasaksi ng walang katotohanan laban sa kapwa, ‘wag magnasa sa asawa ng iba at ari-arian ng iba. Natakot ang mga tao sa dagundong ng kulog, tunog ng trumpeta, at ng makita nila ang kidlat at ang usok sa bundok. Nagbigay rin ang Diyos ng mga utos tungkol sa mga Altar.
Kabanata 21
Ibinigay ng Diyos ang kanyang mga batas tungkol sa mga alipin. Ipinakita dito ang karapatan ng amo at ng alipin sa iba’t ibang sitwasyon o kaso. Binanggit din ng Diyos ang mga batas tungkol sa mga karahasan na maaaring mangyari sa kapwa, ama o ina, alipin, nagdadalang-tao, at iba pa. Ito ang mga batas na lex talionis o “mata sa mata, ngipin sa ngipin…” Nagbigay din ang Diyos ng mga batas tungkol sa pananagutan ng may-ari sa baka at balon. Ipinakita dito kung ano ang mga kapalit, bayad o kahahantungan ng may-ari sa iba’t ibang sitwasyon ukol sa pag-aaring nabanggit.
Kabanata 22
Dinagdag ng Diyos ang mga batas tungkol sa mga sumusunod: ninakaw na baka o tupa, ‘pag napatay ng may-ari ang magnanakaw sa gabi o araw, hayop na nakawala at nakapanira ng bukid ng iba, nakasunog ng pananim ng iba, nawalang ipinagkatiwalang salapi o ari-arian, pang-aangkin ng hayop, pagkapinsala/ pagkamatay/ pagkawala ng paalagang hayop at panghihiram ng hayop. Binanggit din ng Diyos ang mga tuntuning tungkol sa pananampalataya at kabutihang-asal.
Kabanata 23
Sinabi ng Diyos kay Moises ang mga tuntunin tungkol sa katarungan. Ipinagbigay alam rin Niya ang tungkol sa anim na taon na pagtatanim at anim na taon na pag-aani sa mga bukirin. Kasama nito ay ang ikapitong taon na ibibigay sa mga mahihirap. Idinagdag niya ang tungkol sa anim na araw na pagtatrabaho at ang ika-7 ay ang pamamahinga. Iniutos ng Diyos ang pagdiriwang ng tatlong pangunahing Pista: Tinapay na Walang Pampaalsa, Pag-aani at Mga Tolda. Nangako ang Panginoon na papatnubayan at pangangalagaan ang kanilang paglalakbay, at Sya’y nagtagubilin.
Kabanata 24
Tinawag ng Diyos si Moises kasama sina Aaron, Nadab, Abihu at ng 70 pinuno upang sumamba sa Kanya sa paanan ng bundok. Doo’y nagtayo sila ng altar at nag-alay ang ilang kabataang lalaki. Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa ng malakas. Sumagot ang mga tao na susundin nila ang lahat ng utos ng Diyos at sila’y winisikan ng dugo mula sa pinatay na inalay na mga hayop bilang katibayan ng kasunduan. Pinaakyat si Moises ng Diyos sa Bundok ng Sinai, kasama si Josue, para ibigay ng Diyos ang mga kautusan at mga tagubilin. 40 araw at gabi siyang nanatili doon.
Kabanata 25
Idinetalye ng Diyos kay Moises ang tungkol sa mga ihahandog ng mga tao sa Kanya. Sinabihan rin ng Diyos na ipagpagawa Siya ng santuwaryo na titirahan niya kasama ng mga tao. Ito ay gagawin ayon sa planong ibibigay sa kanya ng Diyos. Ibinigay ng Diyos kay Moises ang mga detalye para sa paggawa ng Kaban ng Tipan at ng Luklukan ng Awa. Pinagawa rin ng Diyos si Moises ng Mesa ng tinapay na handog sa Diyos. Dagdag pa ng Diyos ang pagpapagawa ng lalagyan ng ilaw.
Kabanata 26
Inutusan ng Diyos si Moises na gumawa ng mga kurtina na yari sa iba’t ibang kulay ng telang lino at balahibo ng kambing, pagbuburda ng larawan ng kerubin at mga kawit na ginto at tanso. Para sa Tabernakulo, ibinigay ng Diyos kay Moises ang lahat ng mga detalye ng plano tungkol sa mga sukat, direksyon o posisyon sa paggawa at mga gagamiting materyales. Nagpagawang muli ang Diyos ng mga kurtina para magsilbing tabing sa pagitan ng Dakong Banal at Dakong Kabanal-banalan. Ibinigay pa ng Diyos ang ilan pang mga detalye sa pagpapagawa ng Taberkanulo.
Kabanata 27
Itinuro ng Diyos kay Moises ang tungkol sa pagpapagawa ng Altar. Katulad ng ibang pagawain, ibinigay ng Diyos ang mga detalye kay Moises para ito’y magawa ng ayos. Nagbigay din ng panuto ang Diyos tungkol sa pagpapagawa ng Bulwagan ng Tabenakulo. Sinabi ng Diyos ang mga sukat, materyales at disenyo sa pagpapagawa nito. Inatasan ng Diyos si Aaron at ng kanyang mga anak na nasa Toldang Tipanan ang pagngangalaga sa Ilawan at patuloy na pagpapaningas gamit ang pinakamainam na langis ng olibo. Gagawin rin ito ng mga Israelita at ng kanilang salinlahi.
Kabanata 28
Sina Aaron at ang 4 pa niyang anak ay ipinatawag ng Diyos para maging pari at maglingkod sa Kanya. Nagpagawa ang Diyos ng mga magagandang kasuotan yari sa ginto, iba’t ibang kulay ng tela at pinong sinulid para sa mga pari. Nagpagawa din Siya ng efod na yari sa ginto, lanang iba’t ibang kulay, at buburdahan ng maganda. Nagpagawa rin ang Diyos ng pektoral para sa pinakapunong pari. Ito ang gagamitin sa pag-alam ng kalooban ng Diyos. Ito’y may 12 mamahaling bato, Urim at Tumim. Itinalaga si Aaron at kanyang mga anak bilang mga paring maglilingkod sa Diyos.
Kabanata 29
Sa pamamagitan ni Moises, hinirang ng Diyos sa pagkapari sina Aaron at ng kanyang mga anak. Ibinigay ng Diyos kay Moises ang mga dapat gawin upang ganap na maitalagang mga pari sina Aaron at kanyang mga anak. Ipinakita dito ang pagsusuot nila ng mga kasuotang pampari, pag-aalay ng mga piling hayop at dugo nito, at mga tinapay at kakanin na walang pampaalsa. Ang mga panuto ng pagsasagrado ng mga pari, ng altar at ng paraan ng paglilingkod ay nabanggit rin. Ibinukod sina Aaron at ng kanyang mga anak upang maglingkod sa Diyos bilang mga pari.
Kabanata 30
Nagpagawa ang Diyos kina Moises ng altar na sunugan ng insenso. Iniutos rin ng Diyos ang tungkol sa buwis para sa mga pangangailangan ng Toldang Tipanan na hihingin sa mga nakabilang sa sensus. Nagpagawa rin ang Diyos ng palangganang hugasan kay Moises para gamitin ng mga pari bago sila pumasok sa Tolda o magsunog na handog. Nagpagawa rin ang Diyos ng langis na pampahid sa mga pari at sa mga kasangkapan upang maging sagrado. Ipinalagay naman sa harap ng Kaban at Tolda ang ipinagawang insenso ng Diyos.
Kabanata 31
Sinabi ng Diyos kay Moises na pinili Niya si Bezalel (mula sa lipi ni Juda) at si Aholiab (mula sa lipi ni Dan) at biniyayaan ng talentong pan-sining. Pumili pa ng ibang tao ang Diyos para makatulong ng dalawa. Sila ang gagawa ng Tolda, Kaban at ng Luklukan. Gagawa rin sila ng mesa para sa handog, ilawan, palangganang hugasan, langis na pampahid at ng insenso para sa Dakong Banal at mga altar na sunugan ng insenso’t handog. Iniutos ng Diyos ang pangingili sa Araw ng Pamamahinga. Binigay ni Yahweh ang dalawang tapyas na batong sinulatan niya ng Kautusan.
Kabanata 32
Dahil sa katigasan ng ulo ng mga Israelita, nagpagawa ng diyus-diyosang guyang ginto kay Aaron at nagkasiyahan. Iniutos kay Moises na bumaba sa mga tao sapagkat ang mga ito’y nagtaksil sa Kanya. Naibagsak ni Moises ang 2 tabletas ng Kautusan. Kinuha ni Moises ang guya. Ito’y sinunog, dinurog, inihalo sa tubig at ipinainom sa mga tao. Ipinaliwanag ni Aaron kay Moises ang nangyari. Binukod ni Moises ang panig kay Yahweh at ipinapatay ang mga hindi. Humingi ng tawad si Moises sa Diyos para sa kasalanan ng mga tao. Nagpadala ang Diyos ng sakit sa mga tao.
Kabanata 33
Nagpatuloy sina Moises at mga Israelita sa paglalakbay papunta sa lupang pangako. Pinauna ng Diyos ang isang anghel para paalisin ang mga naninirahan doon. Dahil sa katigasan ng ulo, ipinaalis ng Diyos mga suot nilang mga alahas. Nakaugalian na ni Moises na itayo ang Toldang Tipanan sa isang lugar malayu-layo sa kampo. Doo’y harap-harapang sumasangguni si Moises sa Diyos. Nangako ang Diyos na papatnubayan Niya ang Israelita. Sinabi ng Diyos na ipapakita ang Kanyang kaluwalhatian kay Moises pero hindi ang Kanyang mukha.
Kabanata 34
Nagpagawa muli ang Diyos kay Moises ng 2 tapyas ng bato para muling isulat ang Kautusan. Nagpakilalang muli ang Diyos bilang Yahweh at sinabi Niya ang Kanyang mga katangian. Inulit ng Diyos ang mga detalye ng mga tuntunin ng Tipan, tulad ng sumusunod: diyus-diyosan, pagdiriwang ng mga Pista, panganay na lalaki, araw ng pagtatrabaho at pamamahinga, pagharap ng mga lalaki sa Diyos, mga handog na hayop at mga pagkaing walang pampaalsa. Bumaba si Moises mula sa Bundok ng Sinai at nakita ng mga tao na nagniningning ang kanyang mukha.
Kabanata 35
Sinabi ni Moises sa mga Israelita ang tuntunin sa ika-7 araw. Ito ay ang Araw ng Pamamahinga. Isa-isa naming binanggit rin niya ang mga handog para sa Santwaryo. Tinawag naman ni Moises ang mga taong pinili ng Diyos at biniyayaan ng pambihirang kakayahan sa sining para gawin ang Toldang Tipanan, Kaban ng Tipan, Luklukan ng Awa, Dakong Banal at lahat ng mga kagamitang kaugnay ng mga ito. Lahat ng Israelita, lalaki at babae na handang tumulong ay nagdala ng handog sa Diyos para sa ipinagagawa Niya kay Moises.
Kabanata 36
Dinala na ng mga Israelita ang lahat ng mga handog kay Moises para ibigay sa mga piniling tao ng Diyos para sa gagawing santuwaryo. Ipinatigil na Moises ang pagdadala ng mga handog sapagkat sobra na sa kinakailangan. Lahat ng mga mahuhusay na manggagawa ang gumawa sa Toldang Tipanan. Sinunod nila ang mga detalye at sukat na iniutos ng Diyos. Ginamit ang mga materyales tulad ng kurtina na yari sa iba’t ibang kulay ng telang lino at balahibo ng kambing, kahoy mula sa punong akasya, pagbuburda ng larawan ng kerubin, mga kawit na ginto at tanso.
Kabanata 37
Tulad ng nabanggit na mga detalye ng Diyos kay Moises, sinunod ito ng mga pinakamahusay na manggagawa sa paggawa nila ng Kaban ng Tipan at Luklukan ng Awa (Exo. 25:10-22), mesa ng tinapay na handog sa Diyos (Exo. 25:23-30), ilawan (Exo 25:31-40), altar na sunugan ng insenso (Exo. 30:1-5) at langis na pampahid at insenso (Exo. 30:22-38). Karamihan sa mga materyales o sangkap sa paggawa ay ang ginto at ang akasya. Naghalo din sila ng sagradong langis na pampahid at ng purong insenso ayon sa ibinigay na utos ng Diyos tungkol sa mga sangkap.
Kabanata 38
Karamihan sa mga ginamit ni Bezalel sa paggawa ng altar (Exo. 27: 1-8) ay mula sa materyales na akasya at tanso. Ang palanggana naman ay yari rin sa tanso kaya ito’y tinawag na palangganang tanso (Exo. 30:18). Ang mga ginamit na mga materyales sa Bulwagan ng Toldang Tipanan (Exo. 27. 9-19) ay ang mga mamahaling telang lino at lana, tanso, pilak at baras. Ang mga metal na ginamit sa tabernakulo na pinaglagyan sa Kaban ng Tipan ay ang ginto, pilak at tanso. Ang mga ito ay nagmula sa mga handog sa Diyos ng mga Israelita.
Kabanata 39
Ginawa ng mga mahuhusay na tao sa sining ang mga kasuotan ni Aaron at sa kanyang mga anak na pari ayon sa ipinag-utos ng Diyos kay Moises (Exo. 28:1-43). Ito ay yari sa ginto, iba’t ibang kulay ng tela at pinong sinulid. Gumawa din sila ng efod na yari sa ginto, lanang iba’t ibang kulay, at binurdahan ng maganda. Gumawa rin sila ng pektoral para sa pinakapunong pari. Ito’y may 12 mamahaling bato. Natapos na ang pagpapagawa ng Toldang Tipanan, Kaban ng Tipan, Luklukan ng Awa, Dakong Banal at lahat ng mga kagamitang kaugnay ng mga ito.
Kabanata 40
Ang unang araw ng unang buwan ang nagging hudyat ng Diyos upang itayo ang tabernakulo ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, kinuha ni Moises ang langis upang ibuhos sa buong tolda at lahat ng mga kagamitan nito. Ito ang pagtatalaga at pagsasagrado ng Tolda. Pinaghugas ayon sa ritwal sina Aaron at ang kanyang mga anak. Ipinasuot sa kanila ang damit na pampari at sila’y pinahiran ng langis upang italaga bilang mga pari habambuhay. Nang magawa ang Toldang Tipanan, nabalot ito ng ulap at napuno ng kaluwalhatian.