Tuesday, August 9, 2011

KWENTO NG TRANGKASO



Agosto 4, 2011 - St. John Marie Vianney Day

Bungad pa lang ng Bisperas ng aking kaarawan, ika-4 ng Agosto 2011, dinner time at pagdiriwang namin ng Priest Day kasama si Msgr. Chito Bernardo, ay may nararamdaman na akong kakaiba sa aking lalamunan. Nangangati at parang barado. Hinala ko pa nga na ang dahilan nito ay ang pagkain ko ng paella na may mga sahog na seafoods tulad ng alimango, tahong atbp. Pagkatapos ko ng 2nd batch sa pagkuha ng paella, doon ko na naramdaman ang lalong pagkati ng aking lalamunan. Para bang may sumabit na kung ano sa aking lalaugan na pilit kong inuubo para lumabas.

Agosto 5, 2011 - My Birthday: Sono Ventotto!

Kinaumagahan, may nararamdaman na akong panghihina. Pero pinilit kong lumakas at maging aktibo pa rin sapagkat ito ay araw ng aking kapanganakan. Inuubo pa rin ako. Pagkatapos kong mag-almusal, dala-dala ang balangkas ng aking homiliya na nakapaloob sa plastic envelope, at habang binabagtas ang malakas na ulan papunta sa DWST, nararamdaman ko rin ang unti-unting pagbasa ng laylayan ng aking pantalon at likuran ng aking suot na kamiseta. Nagpatuloy ako sa pagpasok sa DWST sapagkat ako ang paniguradong kauna-unahang tatawagin ng aming guro sa Homiletics. Ang nabunot ko kasi ay 1st Sunday of Advent Cycle B. Sa loob ng klase, nakaramdam na ako ng panghihina.

Matapos ang klase sa Homiletics, pasadong 11:00 ng umaga, ako ay umuwi na ng bahay (SPTFH) para magpahinga. Ramdam ko na ang matinding panghihina at pagkahilo. Natulog na muna ako. Ramdam ko na rin yung init sa aking katawan na tila inaapoy na ako ng lagnat. Gumising na lang ako ng ala-6 ng gabi upang maghanda sa pagdiriwang ng Personnel's Day...

Nakabawi naman ako ng lakas pero ramdam ko sa kaloob-looban ko ang tila panghihina ng aking katawan. Inisip ko na lang KAARAWAN ko ito... kailangan kong magsaya, magpasalamat at magdiwang... Dito ko kinuha ang lakas ko...

Matapos ang programa na inihanda para sa mga Personnel, mayroon pa akong natitirang lakas para makipagkwentuhan sa mga kapatid ko dito sa bahay. May mga mangilan-ngilan na nagpatuloy sa pagdiriwang. Habang nagkukuwentuhan sila, syempre kasama nito ay mangilan-ngilang pag-inom ng serbesa bilang parte ng socialization ng grupo. Dahil nga sa alam kong ako'y may masamang nararamdaman... kape lang muna sa akin!

Pagkatapos ng aming socialization ako'y tumungo agad sa kapilya at nagpasalamat sa Diyos sa biyaya ng buhay. Nasabi ko lamang sa Kanya: "Maraming salamat po Panginoon sa biyaya ng buhay!"

Agosto 6, 2011     
    Jogging nila, Iwan ako
Dahil sa hindi maganda ang panahon at hindi rin maganda ang aking nararamdaman, hindi ako sumama sa Community Jogging. Gusto ko mang sumama at makapaglugaw ay talagang hindi pwede, dahil alam ko na ang susunod na eksena kapag pinilit ko pa ang aking katawan na makisabay sa jogging ng aking community. Kaya naman, pinagpatuloy ko na lamang ang aking pamamahinga habang iniisip ang pa-lugaw ni Fr. Gomer.


     Laborandum
Nakaramdam ako ng kaunting ginhawa, akala ko kaya ko na at malakas na ako. May nararamdaman pa rin akong pagkahilo at panghihina pero hindi ko muna inisip ito. Sa halip sumama ako sa Laborandum. Wala ang pangalan ko sa Laborandum assignment, sa pag-aakala ng Chairman na hindi pa ako magaling. Kaya nilagay na lamang ako ni Chairman sa Multi-purpose hall para doo'y makapaglinis.
     
    Transfiguration, pahinga ulit!
Pagkatapos ng Laborandum, sumunod naman ang Misa. Ito ay pagdiriwang ng Transfiguration ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Nakadalo pa ako sa Misa pero dito muli kong nararamdaman ang panghihina ng aking katawan.


     Lunch Time
Pagkatapos ng Lunch, sinabihan ko si Fidel na siya muna ang maghugas kapalit ko bilang "bayad-puri" sa paghuhugas ko noong Thursday (na kung saan siya ang naka-assign maghugas). Sinabi ko rin na masama ang pakiramdam ko kaya hindi ako makakapaghuhugas.


    Pahinga na ulit!
Pagkatapos ng Lunch, umakyat agad ako sa kwarto ko para magpahinga. Doon ko na nararamdaman unti-unti ang paghina ng aking katawan, pagtaas ng temperatura ng aking katawan, malimit na pag-ubo at hindi maintindihang nararamdaman na pamamanhid ng aking mga palad sa kamay at paa.


Agosto 7, 2011 - Pagdalaw ng aking mga Magulang
Nagising ako sa katok ni Kuya Rommel. Sinabi niya na dumating ang aking mga magulang. Hindi agad ako makatayo dahil nga sa nararamdaman kong pagkahilo at panghihina. Kaya bumuwelo muna ako saglit sa aking kinahihigaan. Pagkatapos ako'y naghilamos at ramdam ko  ang katamlayan ng aking katawan.


Kinamusta ako ng aking mga magulang. Sinabi ko na masama ang aking pakiramdam. Nilagay nila ang mga damit ko na nilabhan at pinalantsa nila sa aking kwarto. Nakita ng nanay ko na madumi ang aking kwarto kaya nilinis niya agad iyon. Alam ng nanay ko na isang buwan na akong hindi naglilinis ng kwarto dahil sa kapal ng alikabok nito't mga agiw. (Ang galing!) Pagkatapos magpatas ng mga damit ang aking mga magulang sa aking kabinet at pagkatapos maglinis, umalis kami papuntang botika para bumili ng mga gamot ko.


Pagkabili ng mga gamot, inihatid ako sa seminaryo (SPTFH). Inihatid pa ako ng nanay ko sa aking kwarto habang bitbit niya ang mga gamot, gatorade at biscuit na binili nila para sa akin. Ipinagdasal niya ako upang ako ay gumaling agad.


Agosto 8, 2011
Gusto ko mang kumuha ng exam sa Canon Law at Pentateuch ay hindi ko pa rin magawa. Nahihilo pa talaga ako at nanghihina. Wala din akong maalala sa mga binasa ko. Kung meron man, hindi ko naman maunawaan. Sabi ko nga baka hindi rin gumagana ang brain cells ko. Nagtangka akong pumasok sa DWST, pero sa kalagitnaan ng aking paglalakad nakaramdam ako ng pagkahilo, panghihina at matinding pagkahingal. Kaya, bumalik na lang ako sa bahay  para magpahinga. Anyway, pinalipas ko na lang yung araw na ito sa pamamahinga. Sabi ko na lamang, kung sa bagay marami pa namang exams na darating, samantalang ang buhay ko iisa lamang.


Agosto 9, 2011
Pinilit ko talagang pumasok sa pagkakataong ito sapagkat ito ay reporting ng aming grupo sa Christology. 7:45 ng umaga nagtungo na kami nina Jerico at Philip sa DWST para magset-up ng mga gamit. Dito, ramdam ko ang di pangkaraniwang pagpapawis ng aking katawan. Di naman ako binabanas pero pinagpapawisan ako... kaya halatang maysakit talaga ako. Iba rin ang boses ko- parang lumiit ang tono. Habang nagbibigay ako ng panimula sa aming reporting, ramdam ko pa rin ang panghihina. Nilalabanan ko na lamang ito alang-alang sa aking mga ka-grupo, mga kaklase at sa aming guro. Mahirap. Pero nakayanan ko naman sa tulong at awa ng Diyos kahit nanghihina ako't namamanhid ang katawan nakaraos din. Pagkatapos ng aming digital reporting, nakita naman namin na natuwa at nagustuhan ng aming guro't mga kaklase. Ad Majorem Dei Gloriam!


Hindi na ako nagpahatid ng pagkain kay Cacayorin sa aking kwarto. Bumababa na lang ako sa Dining Hall. Pag Community Prayer Time naman, bumababa na ako sa Chapel. Nabobored na kasi ako dito sa kwarto. Kahit ramdam ko pa rin ang panghihina ng aking katawan, kailangan kong lumaban at kailangan kong magpalakas sa tulong din ng iba at higit sa lahat sa tulong ng panalangin!

No comments: